Ganito ang mariing manipestasyon ni Senador Lito Lapid laban sa kumakalat na fake news sa social media na tumalon siya sa majority bloc ng Senado na pinamumunuan ni Senate President Alan Peter Cayetano.
Sa kanyang manipestasyon sa plenaryo nitong Martes, Mayo 26, 2026, sinabi ni Lapid na walang katotohanan ang kumakalat sa social media na tumalon siya sa grupo ni Cayetano.
“Kaliwanagan lang po, manifestation lang po, tungkol sa nangyari kahapon at maraming kumakalat sa social media na ako lumipat na sa majority, hindi po totoo yun,” ayon kay Lapid.
Kasabay nito, tiniyak ni Lapid na manatili siya sa Solid Bloc 11 na kinabibilangan nina dating Senate President Vicente Sotto III, Senador Bam Aquino, Kiko Pangilinan, Panfilo Lacson, Juan Miguel Zubiri, JV Ejercito, Risa Hontiveros, Win Gatchalian at magkapatid na Erwin at Raffy Tulfo.
“Mananatili po ako sa minority group at hindi po ako aalis dito,” ayon kay Lapid.
Kasunod nito, sinabi ni Lapid na kanyang sinusugan ang mosyon ni Zubiri na tanggalin sa records ng Senado ang video presentation ni Senador Imee Marcos na itinuturing na fake news ng minorya hinggil sa charter change.
“At iyong pong mosyon ni Senador Zubiri kahapon sinusuiportahan ko po, hindi lamang po ako nakapagsalita kahapon akala ko may botohan, yun pala wala naman eh,” ani Lapid.
Kaya hiniling ni Lapid sa kasamahan na magkaisa at iwasan ang bangayan upang maibalik ang dangal ng Senado.
“Hiling ko lamang dito sa Senado na sana magkaisa tayo, iwasan natin ang bangayan, ang dami-dami natin bisitang pari dito palakpakan natin sila at ipagdasal nyo po kami na magkaisa na kami at maibalik ang dangal ng Senado, maraming salamat po,” ayon kay Lapid.
Sa kanyang bahagi, sinabi ni Cayetano na “well noted” ang manipestasyon ni Lapid na naglilinaw laban sa kanyang paglipat sa mayorya na walang katotohanan.
“Your manifestation is noted, wala ka man sa majority andyan ka palagi sa puso namin,” ayon kay Cayetano. Ernie Reyes