Home HOME BANNER STORY Matinding tagtuyot naranasan sa Metro Manila, 25 lalawigan

Matinding tagtuyot naranasan sa Metro Manila, 25 lalawigan

35
0

MANILA, Philippines – Nararanasan ang tag-tuyot sa Metro Manila at 25 lalawigan hanggang Mayo 24, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), habang papalapit na ang pagtatapos ng mainit at tuyong panahon sa bansa.

Ayon sa PAGASA, itinuturing na drought ang mahigit 60% na pagbaba ng normal na ulan sa loob ng tatlong magkakasunod na buwan. Bukod sa Metro Manila, kabilang sa mga apektado ang Ilocos Norte, Ilocos Sur, La Union, Pangasinan, Abra, Apayao, Kalinga, Mountain Province, Ifugao, Benguet, Isabela, Nueva Vizcaya, Quirino, Bataan, Nueva Ecija, Laguna, Rizal, Occidental Mindoro, Oriental Mindoro, Albay, Camarines Norte, Catanduanes, Masbate, Antique, at Guimaras.

Samantala, nakararanas naman ng dry spell—o 21% hanggang 60% na pagbaba ng ulan—ang isa pang 25 lugar kabilang ang Batanes, Cagayan, Aurora, Bulacan, Pampanga, Tarlac, Zambales, Batangas, Cavite, Quezon, Marinduque, Palawan, Romblon, Aklan, Capiz, Iloilo, Negros Occidental, Biliran, Northern Samar, Southern Leyte, Tawi-Tawi, Davao City, at Sarangani.

Nasa ilalim naman ng dry condition ang Bohol, Cebu, at Negros Oriental dahil sa mas mababang ulan sa nakalipas na dalawang buwan.

Naitala rin ang matinding init sa ilang bahagi ng Luzon ngayong Mayo, kabilang ang 40.8°C sa Tuguegarao City at 40.4°C sa Echague, Isabela.

Patuloy ding bumababa ang lebel ng tubig sa Angat Dam, na nagsu-supply ng humigit-kumulang 90% ng pangangailangan sa tubig ng Metro Manila, at nasa 174.83 metro na lamang ito—mahigit 25 metro na mas mababa mula nang magsimula ang tagtuyot noong Marso 23.

Inaasahan ng PAGASA na bababa pa sa 172.65 metro ang lebel ng dam sa katapusan ng Hunyo bago unti-unting bumawi sa pagdating ng mga pag-ulan mula sa Habagat.

Ayon pa sa ahensya, posibleng magsimula na sa mga susunod na araw ang tag-ulan dahil sa southwest monsoon o Habagat na posibleng ma-trigger ng weather disturbance sa Philippine Sea. Nagbabala rin ito ng posibilidad ng El Niño na may higit 90% tsansang mabuo sa Hunyo hanggang Agosto 2026 at maaaring tumagal hanggang unang bahagi ng 2027. Santi Celario

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here