MANILA, Philippines – Bumagsak sa “poor” ang net satisfaction rating ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. matapos makakuha ng -15 sa pinakabagong Social Weather Stations (SWS) survey noong Marso 24-31, 2026.
Sa survey, 33% ng mga Pinoy ang kuntento sa performance ng Pangulo habang 49% ang hindi nasisiyahan at 18% ang undecided.
Mas mababa ito kumpara noong Nobyembre 2025 kung saan may 40% satisfied, 43% dissatisfied at 17% undecided.
Ayon sa SWS, ang -15 net satisfaction ay mas mababa ng 12 puntos mula sa dating “neutral” na -3 noong Nobyembre 2025 at ito na rin ang pinakamababang rating ni Marcos, lagpas sa dating record na -12 noong Marso 2025.
Pinakamataas pa rin ang rating ng Pangulo sa Balance Luzon na may “neutral” +2 habang pinakamababa sa Mindanao na may “bad” -40. Sumunod ang Metro Manila na may “bad” -31 at Visayas na may “poor” -15.
Bumaba rin ang rating ni Marcos sa parehong rural at urban areas.
Samantala, 35% ng mga respondent ang naniniwalang nasa mabuting kalusugan ang Pangulo, 30% ang nagsabing hindi ito maganda, habang 35% ang undecided.
Isinagawa ang survey sa 1,500 adult respondents sa pamamagitan ng face-to-face interviews. RNT/JGC