Home NATIONWIDE Fertility rate sa mga kababaihang Pinoy tuloy-tuloy sa pagbaba – PSA

Fertility rate sa mga kababaihang Pinoy tuloy-tuloy sa pagbaba – PSA

64
0

MANILA, Philippines – Patuloy ang pagbaba ng fertility rate ng mga kababaihang Pinoy sa nakalipas na 32 taon, ayon sa 2025 National Demographic and Health Survey (NDHS) ng Philippine Statistics Authority (PSA).

Lumabas sa survey na nasa 1.7 anak kada babae na lamang ang average fertility rate ng mga kababaihang edad 15 hanggang 49 noong 2025, malayong mababa kumpara sa 4.1 noong 1993.

Mas mataas pa rin ang fertility rate sa rural areas na nasa 2.0 kumpara sa urban areas na nasa 1.5.

Pinakamababa ang bilang ng anak kada babae sa CALABARZON na may 1.3, sinundan ng NCR at Negros Island Region na parehong may 1.4.

Pinakamataas naman sa BARMM na may 2.4 anak kada babae, kasunod ang Zamboanga Peninsula na may 2.3 at Caraga na may 2.2.

Ayon pa sa PSA, habang tumataas ang antas ng edukasyon at kabuhayan ay mas bumababa ang bilang ng anak.

Samantala, bumaba rin ang kaso ng teenage pregnancy sa 4.8% noong 2025 mula sa pinakamataas na 10.1% noong 2013.

Gayunman, mas mataas pa rin ang teenage pregnancy sa rural areas na 5.8% kumpara sa urban areas na 4.2%.

Pinakamataas ang teenage pregnancy sa Zamboanga Peninsula na may 9.3%, kasunod ang SOCCSKSARGEN at MIMAROPA na parehong may 8.2%.

Ipinakita rin ng survey na 57.3% ng mga may-asawang babae edad 15 hanggang 49 ang nagsabing ayaw na nilang magdagdag pa ng anak.

Nasa 34% naman ng kababaihan ang gumagamit ng contraceptives habang 45% ng mga may-asawang babae ang gumagamit ng modern contraceptive methods.

Patuloy ding tumaas ang bilang ng mga panganganak sa health facilities na umabot sa 93.7% noong 2025 mula sa 88.4% noong 2022. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here