MANILA, Philippines – Itinigil muna ang pagputol ng mga puno sa Quirino Avenue para tingnan kung ilan pa ang maaaring bunutin at ilipat sa ibang lugar.
Sa Kapihan sa Manila Bay, sinabi ni DENR Acting Sec. Juan Miguel Cuna na boluntaryong inihinto ng San Miguel Corporation ang operasyon para muling pag-aralan ang bilang ng mga punong puwedeng i-earth ball.
Sa ngayon, 27 puno na ang nailipat mula sa 94 na nakatakdang bunutin.
Hindi na lang sa Intramuros dadalhin ang mga puno, gaya ng naunang sinabi ni Manila Mayor Isko Moreno.
Sinabi ni Cuna na kabilang din sa mga paglilipatan ang The Hidden Garden at Philippine Center Island, at posibleng madagdagan pa ang mga lugar dahil sa dami ng mga puno. Jocelyn Tabangcura-Domenden