Home NATIONWIDE Huwag isisi sa NGCP lang: Polisiya ng DOE, ERC sa mataas na...

Huwag isisi sa NGCP lang: Polisiya ng DOE, ERC sa mataas na singil sa kuryente ipinasusuri

140
0

MANILA, Philippines – Nagbabala si House Committee on Energy Chairman Jose Alvarez sa mga mambabatas laban sa agarang pagsisi sa National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) kaugnay ng mga nagdaang power disturbance kung saan lumitaw sa isinagawang pagdinig na may mga polisiya sa enerhiya at market mechanisms na nagdudulot ng problema sa supply at pagtaas ng singil sa kuryente.

Sa joint hearing ng House Committees on Energy at Legislative Franchises, sinegundahan ni Alvarez ang mga hirit ni APEC Party-list Representative Sergio Dagooc na nagsabing may mga problema sa power sector na hanggang sa ngayon ay hindi nareresolba.

Matapos pakinggan ang paliwanag ni Dagooc ukol sa electricity pricing, ancillary services, at market mechanisms, sinabi ni Alvarez: “So dapat hindi sisihin ang NGCP.”

Tugon naman ni Dagooc, ang problema sa kuryente ng bansa ay nag-uugat sa kombinasyon ng generation, transmission, regulatory, at market issues.

“Kung may planta pero hindi handa ang transmission, may problema. Kung may transmission pero kulang ang planta, may problema rin,” ani Dagooc.

Hinimok ni Dagooc ang mga gumagawa ng batas na rebyuhin ang mga polisiya ng Department of Energy (DOE) at Energy Regulatory Commission (ERC) na maaaring nagiging dahilan ng kakulangan sa supply at mataas na singil sa kuryente.

Sinabi ni Dagooc na sa mga nakaraang energy planning ay isinusulong na ang pagtatayo ng mga planta sa tamang lokasyon upang maiwasan ang labis na transmission investments na ipinapasa lang ang gastos sa mga konsyumer.

“Hindi dapat parang kabute ang pagtayo ng mga planta. Kapag mali ang lokasyon, kailangan ng karagdagang transmission facilities na ipinapasa rin sa consumers,” giit ni Dagooc.

Kinuwestiyon din ng mambabatas kung bakit ang transmission congestion at mga kaugnay na market charges ay patuloy na nagpapahirap sa publiko.

“Every time may line congestion, may dagdag na lima hanggang pitong piso. Bakit hindi pa rin ito nire-review?” ani Dagooc.

Naging sentro rin ng usapin ang mabilis na pagtaas ng singil sa ancillary services o ang bayad sa mga planta na nagbibigay ng reserve capacity para mapanatili ang katatagan ng grid.

Batay sa datos na inilatag ni Dagooc, ang dating ancillary service procurement sa ilalim ng Ancillary Service Procurement Agreements (ASPA) ay nagkakahalaga lamang ng P7.9 bilyon, ngunit bigla itong lumobo matapos ipatupad ang Reserve Market kung saan umabot ito sa P13.4 bilyon, P16.6 bilyon, at P20.05 bilyon.

Mula 2023 hanggang 2026, ang pinagsamang bayad sa ASPA at Reserve Market ay pumalo na sa humigit-kumulang P63.5 bilyon, na ayon kay Dagooc ay bumubuo sa 53 porsiyento ng mga singil na kinokolekta sa pamamagitan ng NGCP.

“Generation remains the biggest component of the electric bill at around 55 to 60 percent. A large portion of ancillary service payments goes to power plants providing reserve capacity,” paliwanag ng mambabatas.

Dahil dito, pormal na hiniling ni Dagooc sa DOE at ERC na bisitahing muli ang mga umiiral na circulars at market rules sa pagbili ng reserve capacity.

“Respectfully requesting the ERC and DOE to review these circulars and policies. Some of these issuances are contributing to higher electricity costs, yet we continue blaming the wrong parties,” apela nito.

Suportado rin ni Dagooc ang pagpapalakas sa technical oversight ng power sector, kabilang ang pagbabalik ng Grid Management Committee at Distribution Management Committee sa ilalim ng ERC.

Para naman kay Alvarez, ang talakayan ay nagpapatunay na kailangang tingnan ang mas malawak na isyu sa polisiya na nakakaapekto sa mga consumer sa halip na magpokus lamang sa mga transmission incident.

Binigyang-diin ng committee chairman na dapat tukuyin ng Kongreso kung sapat ba ang mga kasalukuyang polisiya para tugunan ang kasapatan ng supply, transmission planning, reserve procurement, at ang kapakanan ng mga mamamayan.

Ang pagdinig ay bahagi ng imbestigasyon ng Kamara ukol sa naganap na power disturbance noong Mayo 13 at ang paulit-ulit na pagpataw ng red at yellow alerts sa Luzon at Visayas. Gail Mendoza

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here