Home NATIONWIDE Padilla: Bato number 3 senador, hayaang magtrabaho online

Padilla: Bato number 3 senador, hayaang magtrabaho online

59
0

MANILA, Philippines – Ipinahayag ni Senator Robin Padillana dapat payagan si Senator Ronald “Bato” dela Rosa na gampanan ang kanyang tungkulin bilang mambabatas sa pamamagitan ng online o remote participation habang siya ay may kinahaharap na warrant of arrest mula sa International Criminal Court (ICC).

Sa isang Facebook post, iginiit ni Padilla na ang sinumang senador na hindi pa nahahatulan ay nananatiling inosente at dapat payagang tuparin ang mandato ng taumbayan.

“Maging sinuman na senador hangga’t walang final conviction, ibig sabihin, hindi pa kriminal ang tao, kaya’t dapat gawin niya ang mandato niya dahil ibinoto siya ng mga Pilipino,” ani Padilla.

Binigyang-diin din niya ang resulta ng halalan, “Number 3 nga yan eh. Mas marami ang boto niya kesa sa marami sa inyo. Sinasaklawan niyo ang kapangyarihang ibinigay sa kanya ng taumbayan para maging boses nila,” patungkol sa ikatlong puwesto ni Dela Rosa sa 2025 senatorial elections, kasunod nina Sen. Christopher Lawrence “Bong” Go at Sen. Benigno “Bam” Aquino III.

Ayon pa kay Padilla, hindi sinasadya ni Dela Rosa na lumiban sa sesyon ng Senado ngunit napipigilan ito dahil sa banta ng pag-aresto kaugnay ng ICC warrant.

“Si Bato ay wanted ng ICC; hindi niya gusto na hindi siya pumapasok. Malayong magkaiba yung ayaw niyang pumapasok dahil isasakay sa eroplano at dadalhin sa dayuhang bansa at ikulong!” aniya.

Dagdag pa niya, dapat gamitin ang teknolohiya upang maipagpatuloy ng mga halal na opisyal ang kanilang tungkulin.

“Iniluklok siya ng taumbayan na maging senador. Hayaan natin siyang magtrabaho para sa taumbayan sa pamamagitan ng online,” aniya. “Mas marami ang bumoto sa kanya para manungkulan. Gamitin ang technology para magampanan niya ito,” dagdag pa niya.

Si Dela Rosa ay huling nagpakita sa Senado noong Mayo 11, 2026, kung saan bumoto siya para kay Sen. Alan Peter Cayetano bilang bagong Senate President, bago muling nawala sa publiko. Humingi rin siya ng protective custody sa Senado matapos tangkain ng National Bureau of Investigation na ipatupad ang ICC arrest warrant, ngunit umalis siya kasama si Padilla noong Mayo 14 matapos ang insidente ng pamamaril sa gusali ng Senado.

Muling iginiit ni Padilla ang “presumption of innocence,” na nagsasabing hindi maaaring ituring na may sala ang isang tao hangga’t hindi napapatunayan sa hukuman.

Tinutulan naman ng Senate minority bloc ang panukalang amyenda na magpapahintulot sa mga senador na dumalo at bumoto sa pamamagitan ng teleconferencing, dahil sa umano’y paglabag sa proseso ng pag-amyenda ng mga alituntunin ng Senado. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here