MANILA, Philippines – Nagbabala ang Department of Agriculture (DA) na posibleng mabawasan ng hanggang 700,000 metric tons ang produksyon ng bigas sa Pilipinas sakaling tumindi ang El Niño, na magdudulot ng panganib sa food security at kita ng mga magsasaka.
Ayon kay DA Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., muling binuo ng ahensya ang El Niño task force upang paghandaan ang inaasahang tagtuyot at mabawasan ang epekto nito sa agrikultura at suplay ng pagkain.
“It is imperative that we put in place interventions that mitigate the impact of El Niño on agriculture, the livelihoods of farmers, fisherfolk, and others in the value chain,” aniya.
Dagdag pa niya, may mga ipinatutupad nang hakbang ang DA tulad ng cloud seeding, paggamit ng solar-powered irrigation systems, pag-aadjust ng planting calendar, at crop diversification programs upang mapatatag ang kita ng mga magsasaka.
Nauna nang iniulat ng state weather bureau ang 92 porsyentong posibilidad ng moderate hanggang strong El Niño sa ikaapat na quarter ng 2026 na maaaring umabot hanggang unang bahagi ng 2027.
Ayon sa DA, hindi lamang agrikultura ang maaapektuhan ng El Niño kundi maging ang presyo ng pagkain at katatagan ng merkado sa bansa.
Batay sa datos, umabot sa ₱57.78 bilyon ang pinsala sa agrikultura noong 2023–2024 El Niño, ang pinakamalaki sa kasaysayan, kung saan tinamaan ang palay, mais, at iba pang sektor gaya ng high-value crops, cassava, coconut, at fisheries.
Bumaba rin ng 2.2 porsyento ang kabuuang agricultural output noong 2024 ayon sa Philippine Statistics Authority. Santi Celario