MANILA, Philippines – Iniulat ng Philippine National Police (PNP) ang pagkakakumpiska ng mga hinihinalang ilegal na droga na nagkakahalaga ng ₱6.4 milyon mula sa limang abandonadong parcels sa Central Mail Exchange Center sa Pasay City.
Ayon sa mga awtoridad, natukoy ang mga parcel sa routine X-ray screening at isinailalim sa manual inspection at K-9 inspection noong Mayo 26, 2026.
“The parcels were flagged during routine x-ray screening and further subjected to manual examination and K-9 inspection,” ayon sa PNP, at idinagdag na ang mga iligal na substansiya ay isiniksik sa loob ng mga idineklarang item tulad ng de-latang pagkain, mga kahon, at iba pang package.
Kabilang sa mga nakumpiska ang methylenedioxymethamphetamine (MDMA o ecstasy), marijuana kush, cocaine, ketamine, at iba pang hindi pa natutukoy na substansiya.
Ayon sa pulisya, ang mga parcels ay inabandona at naka-address sa iba’t ibang indibidwal sa Pampanga at Cagayan de Oro, habang nagmula naman sa Canada at France ang mga pinanggalingang padala.
Ipinasa na ang mga nakumpiskang droga sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) para sa laboratory examination at tamang disposisyon. Dave Baluyot