MANILA, Philippines – Nagpiyansa si Senador Jinggoy Estrada nitong Biyernes, Mayo 29, ng P90,000 sa Sandiganbayan para sa kanyang pansamantalang kalayaan sa graft case na isinampa laban sa kanya sa umano’y kaugnayan sa flood control scandal.
Si Estrada ay dumating sa Sandiganbayan kasama ang mga anak na sina Janella at Julienne.
Siya ay nahaharap sa panibagong graft at plunder case sa Fifth Division ng anti-graft court.
Nauna nang naghain si Estrada ng urgent motion para ipabawi ang pag-iisyu ng warrant of arrest laban sa kanya at iginiit na hindi pa siya nasasabihan ng basehan ng mga kriminal na reklamo laban sa kanya.
Ayon kay Atty. Noel Ostrea, legal counsel ni Estrada, naghain sila ng urgent motion para bawiin ang paglalabas ng warrant of arrest laban kay Estrada sa Sandiganbayan Second at Fifth Divisions noong Martes ng umaga.
“We filed it before lunch. We kind of understand that what we filed was extraordinary, but we hope the Sandiganbayan justices will understand that our client has yet to receive the Ombudsman and Department of Justice resolutions charging him of these crimes,” sinabi ni Ostrea.
“How can we file a proper motion when we do not know the basis of these charges?” RNT/JGC