Home NATIONWIDE Lacson: Walang mali sa pagdedebate sa rules pero mali pagpipilit na wala...

Lacson: Walang mali sa pagdedebate sa rules pero mali pagpipilit na wala sa hulog

37
0

MANILA, Philippines – Walang mali sa pagdedebate sa mga panukalang pagbabago sa Senate Rules—kabilang ang sa remote participation—ngunit may mali sa mga hakbang na wala sa hulog at tila isinasantabi o “fina-fastbreak” ang proseso, giit ni Sen. Panfilo “Ping” M. Lacson nitong Sabado.

Ito ang tugon ni Lacson sa tanong ni Senate President Alan Peter Cayetano sa isang social media livestream noong Biyernes na kung mali bang talakayin ang pagbabago sa mga patakaran.

“Nothing is wrong about debating on any motion, resolution or measure. What is wrong is ignoring our own rules and parliamentary procedures by stopping the debates to railroad the adoption of a motion already referred to the Committee on Rules,” aniya sa X.

Sa Facebook Live session noong Biyernes, kinuwestiyon ni Cayetano kung mali bang baguhin ang rules, kasunod ng mainit na pagtatalo noong Martes kaugnay ng May 11 motion ni Sen. Rodante Marcoleta na amyendahan ang Senate Rules para payagan ang remote participation.

Pinuna din niya si Lacson at iba pang miyembro ng Senate minority bloc, na inakusahan niyang nililinlang ang kanilang mga tagasuporta dahil sa kanilang pahayag na hindi sila nabigyan ng pagkakataong magtanong o magpaliwanag.

Iginiit ni Lacson, na lumahok sa walkout ng minority bloc noong Mayo 26, na tinangkang ipilit ng majority bloc ang isyu nang itulak nitong talakayin at botohan sa plenaryo ang motion para payagan ang online participation.

Aniya, taliwas ito sa Rules of the Senate at sa committee system ng kamara, dahil sa ilalim ng Section 24 ng Senate Rules, ang mga komite ang tatalakay, magpapasya, at magpapasa ng ulat sa mga bagay na naipasa sa kanila.

Dagdag niya, ang motion ay naipasa na sa Committee on Rules, na nananatiling hindi pa naitutukod matapos ang pagbabago sa liderato noong May 11.

Idinagdag pa ni Lacson na ang Section 136 ng Rules na binanggit ni Cayetano bilang batayan sa pag-amyenda ng rules sa pamamagitan ng motion na ihahain isang araw bago ang pagtalakay ay hindi angkop dahil sa naunang referral sa Committee on Rules.

Nag-walkout sa sesyon ang minority members matapos igiit ni Cayetano ang pag-divide ng House at pagpapaboto sa usapin.

“Pwedeng amyendahan pero sundan natin ang procedure. Gusto niya amyendahan pero fastbreak… Kaya nga may committee system. Ang Kongreso di maka-function without committees,” giit ni Lacson noong Biyernes. Ernie Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here