Home ENTERTAINMENT BINI, TJ, Maki, Cup of Joe, maglalaban sa 17th Star Awards for...

BINI, TJ, Maki, Cup of Joe, maglalaban sa 17th Star Awards for Music!

79
0
BINI Sheena is carried across the stage as fellow members and Blooms relish in shared laughter.

Manila, Philippines – Bigating mga pangalan at mga awitin sa industriya ng musikang Pilipino ang magtutunggali upang makamit ang mga prestihiyosong tropeyo at parangal sa 17th Star Awards for Music ng PMPC Star Awards Inc. na gaganapin sa Teatrino Promenade, Greenhills, San Juan City sa Hunyo 25, 2026.

Pangungunahan iyan ng labanan para sa Song of the Year ng “Salamin, Salamin” ng BINI; “Palagi” ni TJ Monterde; “Dilaw” ni Maki; “Multo” ng Cup of Joe; “Nami-miss Ko Na” ng Lola Amour; “Marilag” ni Dionela; at “Sa Bawat Sandali” ni Amiel Sol.

Mahigpit din ang kompetisyon para sa Album of the Year ng “Talaarawan” ng BINI; “The Traveller Across Dimensions” ng Ben&Ben; “Method Adaptor” ni Ely Buendia; “Sariling Mundo” ni TJ Monterde; “Lola Amour” ng Lola Amour; “MU” ni Arthur Miguel; at “jgh” ni James Reid.

Magtatapatan ang mga haligi sa music industry at mga bagong sibol na singers at grupo sa inaabangang parangal para sa Concert of the Year na kinabibilangan nina Martin Nievera para sa “The King 4-Ever;” Gary Valenciano – “Pure Energy : One More Time;” Regine Velasquez – “Regine Rocks: The Repeat;” Ogie Alcasid – “Ogieoke 2: Reimagined;” TJ Monterde – “Sariling Mundo;” Juan Karlos – “Juan Karlos: Live;” Cup of Joe – “Seatbelts On!”; at SB19 – “Pagtatag! World Tour (Manila)”.

Nakatakda namang gawaran ng PMPC Star Awards Inc. ng espesyal na mga parangal ang tatlong music icons ngayong taon dahil sa marami nilang kontribusyon sa Philippine music industry. Pararangalan sina Celeste Legaspi at Andrew E ng Pilita Corrales Lifetime Achievement awards, habang tatanggapin naman ni Mon del Rosario ang Parangal Levi Celerio Lifetime Achievement Award.

Magbibigay din ng special Fan Favorite Awards ang PlayTime, na isa sa major sponsors ng awards night.

Makakatuwang ng PMPC Star Awards Inc. sa pag-organisa ng 17th Star Awards for Music ang Echo Jham Entertainment Production na pinamumunuan ni Ms. Mhae Sarenas. Si Calvin Murphy Neria ang magdidirek ng naturang awards night.

Ang Echo Jham ay isa mga kilalang production companies ngayon na nag-oorganisa at nagpo-produce ng mga bigating concerts at events dito sa Pilipinas at sa ibang bansa.

Sa pangunguna ng kasalukuyang Pangulo ng PMPC Star Awards Inc. na si Fernan de Guzman at ng Overall Chairman ng 17th Star Awards for Music na si Mell Navarro, kasama ang mga opisyales at miyembro ng grupo, sinisigurado nilang magiging bongga at maningning ang parating na awards night sa tulong ng Echo Jham. JP Ignacio

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here