TARLAC, Philippines – Dalawang candidate soldier ang nasawi matapos ma-heat stroke habang sumasailalim sa training sa Capas, Tarlac, ayon sa Philippine Army nitong Sabado, Mayo 30.
Kinilala ng Army’s Training Command (Tracom) ang mga nasawi na sina Candidate Soldier Johndyl L. Lemosniro, 19, mula New Corella, Davao del Norte, at Junel L. Flores, 24, mula Lamitan City, Basilan. Pareho silang nagsasanay sa School for Candidate Soldier sa Camp O’Donnell nang mawalan ng malay noong Mayo 26.
Batay sa medical certificates, ang sanhi ng pagkamatay ay “severe health complications brought on by extreme physical exertion in high temperatures.”
Ayon sa ulat, ang pangunahing dahilan ay exertional heat stroke, isang seryosong kondisyon kung saan sobra ang pag-init ng katawan dahil sa matinding init at pisikal na pagod.
Lumabas din sa medical findings na nagdulot ito ng mga komplikasyon tulad ng pagbabago sa mental state, agitation, restlessness, delirium, seizures, coma, at electrolyte imbalance.
Sa huling diagnosis, kinumpirma ng mga doktor na ang ikinamatay ay brain complications at pamamaga ng utak (encephalopathy) dulot ng matinding heat stroke.
Ayon sa Army, agad na isinagawa ang emergency response matapos mag-collapse ang mga trainee. Dinala sila sa Camp O’Donnell Medical Treatment Facility kung saan sila binigyan ng agarang tulong gaya ng endotracheal intubation upang matulungan ang paghinga.
Kalaunan, inilipat sila sa Tarlac Provincial Hospital para sa mas masusing gamutan, ngunit sa kabila ng lahat ng pagsisikap ng mga medical team, hindi na sila nailigtas.
Nagpaabot ng pakikiramay ang Philippine Army sa pamilya ng mga nasawi at tiniyak na patuloy nilang pinaiigting ang mga safety at medical protocols sa kanilang training programs.
Nauna nang sinabi ng Army na sinuspinde ang dalawang training personnel na direktang nakatalaga sa mga nasawing sundalo. RNT/MND