
NAKIPAGPULONG ang Pamahalaang Lungsod ng Navotas sa Metro Shipbuilders and Ship Repairers Association, Inc. (MSSAI) para sa updates at mahahalagang paalala tungkol sa mga paghahandang isinasagawa ng mga shipyard para sa nalalapit na tag-ulan at kung paano ito makatutulong sa pagpapalakas ng flood preparedness ng lungsod.
Ayon kay Mayor John Rey Tiangco, bilang mga establisimyentong matatagpuan sa kahabaan ng mga daluyan ng tubig sa Navotas, mahalaga aniya ang pakikipagtulungan ng mga shipyard sa pagpapatupad ng mga hakbang upang mabawasan ang panganib ng pagbaha, maprotektahan ang mga komunidad, at mapanatiling ligtas ang kanilang operasyon.






