MANILA, Philippines – Maagang natigil ang makulay na Pride Night celebration sa Circuit Makati noong Linggo, Mayo 31, matapos umano’y masunog ang isang generator set sa lugar.
Ang event na inorganisa ng LoveYourself Inc. ay bahagi ng Pride Month celebration na dinaluhan ng libo-libong miyembro ng LGBTQIA+ community at mga tagasuporta mula bandang alas-2 ng hapon noong Sabado, Mayo 30.
Ayon sa organizer, napilitang tapusin ang programa nang mas maaga matapos ang insidente ng pagliyab ng generator malapit sa pagtatapos ng event. Agad namang rumesponde ang emergency at safety personnel upang maayos ang sitwasyon.
Sinabi ng LoveYourself Inc. na ang kaligtasan ng lahat ng dumalo ang kanilang pangunahing prioridad kaya minabuti nilang ihinto ang programa upang matiyak ang maayos at ligtas na pag-uwi ng mga tao.
Humingi rin sila ng paumanhin sa mga performer na hindi na nakapag-entertain dahil sa biglaang pagtatapos ng event, at nagpasalamat sa lahat ng nakilahok at umunawa sa sitwasyon.
Wala namang naiulat na nasaktan sa insidente. RNT/MND