MANILA, Philippines – IDINEKLARA kapuwa ng Pilipinas at Vietnam na ang kapayapaan, katatagan at freedom of navigation sa South China Sea ay “non-negotiable” habang itinaas ng dalawang claimant states ang bilateral ties at ni- renew ang pinakamahalagang defense cooperation agreement.
Si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., kasunod ng bilateral talks kasama si Vietnamese President To Lam, ay nagpahayag na ang dalawang bansa, kung saan kabilang sa mga claimant states sa pinagtatalunang katubigan, sumang-ayon na ang pagpapanatili ng katatagan sa South China Sea ay “non-negotiable.”
“As fellow claimant states, we reaffirm that maintaining peace, stability, and the freedom of navigation and overflight in the South China Sea remains non-negotiable,” ayon kay Pangulong Marcos.
Ang pahayag na ito ay matapos na i-renew ng Maynila at Hanoi ang kanilang 2010 defense cooperation agreement, isang hakbang na inaasahan na magpapalakas sa kolaborasyon sa maritime security, military education, at disaster risk reduction and management.
Sinabi ng Pangulo na nananatiling committed ang Pilipinas at Vietnam na lutasin ang pinagtatalunang katubigan sa mapayapa at naayon sa international law.
“We stand resolute in our commitment to the peaceful resolution of disputes, grounded firmly in international law, particularly the 1982 United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) and the 2016 South China Sea Arbitral Award,” ang tinuran nito.
Tinukoy naman ni Pangulong Marcos ang 2016 arbitral ruling na nagpawalang-bisa sa malawak na “nine-dash line” claim ng Tsina sa karamihan sa South China Sea at panindigan ang maritime entitlements ng Pilipinas sa ilalim ng UNCLOS. Gayunman, patuloy na binabasura ng Beijing ang nasabing desisyon.
Habang ang Vietnam ay hindi bahagi ng arbitration case, ang Hanoi ay consistent na binibigyang diin ang pagsunod sa international law at UNCLOS sa pagtugon sa maritime disputes.
Maliban sa defense, pinag-usapan din nina Pangulong Marcos at Lam ang paglaban sa transnational threats gaya ng internet fraud, human trafficking, illegal gambling at people smuggling sa pamamagitan ng pinalakas na intelligence-sharing at law enforcement coordination.
Ang pag- upgrade ay natapat sa papalapit na 50th anniversary ng diplomatic relations sa pagitan ng dalawang bansa noong 2026 at dumating nang ang Pilipinas ay naupo bilang chairman ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN). KRIS JOSE