MANILA, Philippines – “TATLONG taon lang akong nawala, ang dami ng health centers ang ipinasara.”
Ito ang naging pahayag ni Manila Mayor Isko Moreno Domagoso kasabay ng kanyang pagbatikos sa umano’y pagsasara ng ilang health center sa lungsod sa nakalipas na administrasyon nang pangunahan niya ang pagbubukas ng bagong ayos na Emergency Room (ER) ng Ospital ng Maynila Medical Center nitong Lunes.
Ayon kay Domagoso, hindi makatarungan ang pagsasara ng mga pasilidad pangkalusugan lalo na sa harap ng patuloy na pagdami ng populasyon at lumalaking pangangailangan ng mga mamamayan sa serbisyong medikal.
Kasama ni Yorme Isko sa seremonya si Vice Mayor Chi Atienza, kung saan pormal nilang binuksan ang inayos na emergency room na sumailalim sa rehabilitasyon upang mapabuti ang pagtugon sa mga pasyenteng nangangailangan ng agarang atensyong medikal.
Sinabi ng alkalde na sa loob lamang ng isang linggo ay naisagawa ang pagkukumpuni ng ER, na ngayon ay mas maaliwalas, mas maayos, at mas handang magsilbi sa mga Manilenyo.
Binigyang-diin niya na ang pagpapaganda at pagsasaayos ng mga pasilidad sa kalusugan ay bahagi ng layunin ng kanyang administrasyon na gawing mas episyente at mas accessible ang serbisyong medikal sa lungsod.
Ayon pa kay Domagoso, mahalagang mabigyan ng sapat na suporta ang mga frontline healthcare workers sa pamamagitan ng modernisasyon ng mga pampublikong ospital at health center.
“How can you do that?” ani Yorme habang tinutukoy ang umano’y pagsasara ng mga health center, na aniya ay nakaapekto sa paghahatid ng pangunahing serbisyong pangkalusugan sa mga residente.
Iginiit din ng alkalde na magpapatuloy ang pamahalaang lungsod sa paglalaan ng pondo at iba pang kinakailangang suporta para sa mga institusyong pangkalusugan.
Dagdag niya, ang pagpapahusay sa mga ospital at health center ay mahalagang bahagi ng layunin ng lungsod na matiyak ang mabilis, ligtas, at de-kalidad na serbisyong medikal para sa bawat Manilenyo. JAY Reyes