Home NATIONWIDE PBBM nakiisa sa Brigada Eskwela sa Navotas

PBBM nakiisa sa Brigada Eskwela sa Navotas

20
0

MANILA, Philippines – NAKIISA si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., araw ng Martes, Hunyo 2 sa literacy activities at personal na ininspeksyon ang preparedness measures ng eskuwelahan sa Navotas City.

Bahagi ito ng nationwide Brigada Eskwela campaign bago pa ang pagbubukas ng klase sa Hunyo 8.

Sa isinagawang National Capital Region kickoff ng Brigada Eskwela 2026 sa Kapitbahayan Elementary School, pinangunahan ni Pangulong Marcos ang storytelling session kasama ang Grade 1 pupils, ang pagbabasa ng “Ang Matsing at ang Pagong,” isang classic Filipino tale ng Pambansang Bayani Gat. Jose Rizal.

Nilibot naman ng Pangulo ang mga pasilidad ng eskuwelahan kabilang na ang bagong kabit na closed-circuit television (CCTV) cameras na naglalayong paghusayin pa ang seguridad ng kampus.

“Ang una nating pinuntahan ay ‘yung CCTV. Nagkabit tayo ng CCTV. Dito sa eskuwelahan na ito, they have 16 cameras para bantayan at tiyakin na ligtas ang mga bata,” ayon kay Pangulong Marcos.

Winika pa ng Pangulo na nananatiling prayoridad ng gobyerno ang paglikha ng ligtas at kaaya-ayang learning environment habang milyon-milyong mga estudyante ang naghahanda sa pagbabalik sa silid-aralan.

Maliban sa pag-inspeksyon sa ligtas na pasilidad, tsinek din ng Pangulo ang nagpapatuloy na pagkukumpuni at maintenance works sa ilalim ng Brigada Eskwela, kung saan naglilinis, nagpipintura at inaayos ng mga volunteers ang school facilities bago pa magsimula ang school year.

Sa kabilang dako, sinabi ni Pangulong Marcos na maraming volunteers ang naka-enroll sa ilalim ng Department of Labor and Employment’s Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) program.

Aniya, may 147 eskuwelahan ang nakinabang na mula sa inisyatiba, kung saan kabilang dito ang 3,658 na benepisaryo ng TUPAD at P26.12 milyon na pinansiyal na tulong.

May panibagong 181 schools ang nakatakdang tumanggap ng suporta, makikinabang rito ang 4,597 manggagawa sa pamamagitan ng P37.14 milyong alokasyon.

Gayundin, inobserbahan din ng Pangulo ang implementasyon ng “Tara, Basa!” program, isang summer literacy intervention kung saan hiningi ang tulong ng mga college students para sa mga batang mag-aaral para paghusayin ang kanilang reading skills habang tumatanggap ng financial assistance para sa kanilang edukasyon.

“Kinukuha natin ang mga college student na gustong tumulong at sila ang nagtuturo para maging mas magaling magbasa ang mga bata,” ang tinuran ng Chief Executive.

Samantala, binisita rin ng Pangulo ang isang school reading nook, bahagi ng pinalawak na pagsisikap ng administrasyon na palawigin ang learning materials sa pamamagitan ng library hubs at community-based reading spaces.

Nagpahayag naman ng kumpiyansa ang Pangulo ukol sa progreso ng literacy initiatives, sabay sabing ang pagiging masigasig reading abilities ng mga estudyante na kanyang nakadaupang-palad sa kanyang naging pagbisita.

“Nakakatuwang makita na full blast tayo sa educational sector at lahat ng pangangailangan, hangga’t kayang ibigay ng pamahalaan, ibinibigay natin,” aniya pa rin.

Ang Brigada Eskwela 2026, bitbit ang tema na “Bayanihan sa Paaralan: Nagkakaisa para sa Kaayusan at Kaalaman,” ay tatakbo mula June 1 hanggang 5 sa buong bansa habang ang mga eskuwelahan ay naghahanda para sa pagbubukas ng School Year 2026-2027.

“Buong bansa gagawin natin ito. At sana by opening of class, tapos na tayo lahat with everything,” ang sinabi pa rin ni Pangulong Marcos. KRIS JOSE

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here