MANILA, Philippines – Ibinasura ng Sandiganbayan Seventh Division ang mosyon ni dating House Speaker at Leyte Rep. Martin Romualdez na alisin ang precautionary hold departure order (PHDO) na ipinataw laban sa kanya.
Ayon sa korte, walang sapat na batayan ang kahilingan ni Romualdez kaya’t ito ay itinuring na walang merito.
Paliwanag ng Sandiganbayan, layunin ng PHDO na pigilan ang posibleng pagtakas ng isang akusado habang isinasagawa pa ang preliminary investigation at bago maglabas ng warrant of arrest o hold departure order.
Nahaharap si Romualdez sa mga reklamong plunder, direct at indirect bribery, at money laundering kaugnay ng umano’y P56-bilyong kickback scheme sa mga flood control projects. Mariin naman niyang itinanggi ang mga akusasyon.
Sa kanyang mosyon, iginiit ni Romualdez na nilalabag ng PHDO ang kanyang karapatang bumiyahe at wala umanong batayan ang pagtingin ng korte na siya ay flight risk.
Gayunman, sinabi ng Office of the Ombudsman na legal ang PHDO at kinakailangan upang matiyak na hindi maaantala ang proseso ng hustisya.
Samantala, inihayag ni Public Works Secretary Vince Dizon na may panibagong kaso pang isasampa ang Ombudsman laban sa isa pang kilalang personalidad na sangkot umano sa flood control scam.
“May isa pang malaking isda,” ani Dizon, na tumangging pangalanan ang naturang personalidad bago maisampa ang kaso sa Malolos Regional Trial Court.
Noong Mayo 28, nagsampa rin ang Ombudsman ng kasong plunder at graft laban kay Sen. Jinggoy Estrada kaugnay ng umano’y P573 milyong kickback mula sa flood control projects noong 2025. RNT/JGC