Home NATIONWIDE ICC naabisuhan na sa kaugnayan ni Cayetano, Padilla sa pagtakas ni Bato

ICC naabisuhan na sa kaugnayan ni Cayetano, Padilla sa pagtakas ni Bato

3
0

MANILA, Philippines – Ipinaabot na sa International Criminal Court (ICC) ang reklamong isinampa laban kina Senate President Alan Peter Cayetano, Sen. Robin Padilla at suspendidong Senate Sergeant-at-Arms Mao Aplasca kaugnay ng umano’y pagtulong kay Sen. Ronald “Bato” dela Rosa upang makaiwas sa pag-aresto.

Inihain ng grupong Tindig Pilipinas sa Office of the Ombudsman ang reklamong obstruction of justice sa ilalim ng Presidential Decree 1829.

Ayon sa grupo, posibleng nakahadlang umano ang mga aksyon ng tatlo sa pagpapatupad ng legal na proseso laban kay Dela Rosa, na may arrest warrant mula sa ICC.

Kabilang sa tinukoy ng mga nagreklamo ang paglalagay umano ni Cayetano kay Dela Rosa sa kustodiya ng Senado, ang pagtulong umano ni Padilla sa pag-alis ng senador sa Senate premises, at ang umano’y pagharang ni Aplasca sa mga ahente ng National Bureau of Investigation (NBI).

Sinabi ng Tindig Pilipinas na hindi maaaring gamiting depensa ng mga senador ang parliamentary immunity.

Ayon kay Tindig Pilipinas co-convener Sylvia Claudio, nagpadala sila ng kopya ng reklamo sa ICC bilang impormasyon lamang.

Sinabi naman ni ICC assistant to counsel Kristina Conti na walang direktang epekto ang reklamo sa kaso ni Dela Rosa ngunit maaari itong makatulong upang madagdagan ang pressure para sumuko ang senador.

Si Dela Rosa ay itinuturing ng ICC na isa sa mga kapwa akusado ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa kasong crimes against humanity kaugnay ng madugong war on drugs.

Na-isyu ang arrest warrant laban kay Dela Rosa noong Nobyembre 2025 at isinapubliko noong Mayo 11, 2026.

Hanggang sa kasalukuyan ay hindi pa rin batid ng publiko ang kinaroroonan ng senador. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here