MANILA, Philippines – Nanawagan ang mga senador nitong Miyerkules ng mas malaking transparency sa panukalang Pax Silica initiative ng gobyerno, at kinuwestiyon ang pabago-bagong detalye para sa proyekto.
Ibinahagi ni Sen. Bam Aquino ang pangamba habang tinatalakay sa plenaryo ng Senado ang panukalang 2027 budget ng Bases Conversion and Development Authority (BCDA).
Ang BCDA, isang government-owned and controlled corporation na inatasang paunlarin ang mga dating military reservations at iba pang government properties, ang nangangasiwa sa panukalang Pax Silica industrial hub sa New Clark City sa Tarlac.
“Ang kailangan din po natin ng transparency dito, ‘no? Sa mga hearing po natin nagbabago-bago rin kung ano ba talaga ‘yung itatayo po dito sa area na ito,” sabi ni Aquino, na siyang nag-endorso sa panukalang budget ng BCDA.
“Nagsimula ‘yan with data center, marami ang umalma, kasama na ho tayo. And then suddenly in the hearing wala nang data center. Naging manufacturing pero hindi rin malinaw kung anong klaseng manufacturing,” dagdag niya.
Ang Pax Silica ay isang US-led international economic-security coalition na inilunsad noong Disyembre 2025 upang bumuo ng matatag at hindi umaasa sa China na supply chain para sa semiconductors at artificial intelligence.
Lumahok ang Pilipinas noong Abril 2026 at pumayag na mag-host ng 1,618-hectare semiconductor hub sa Capas, Tarlac, na pangunahing para sa mineral processing at semiconductor manufacturing.
Ang proyekto ay pinangungunahan ng Bases Conversion and Development Authority (BCDA) sa New Clark City. Tinatayang maaari itong makahikayat ng $40 bilyon hanggang $70 bilyon na pamumuhunan at makalikha ng 130,000 hanggang 190,000 direct jobs sa loob ng ilang dekada.
Ngunit mula pa noong una, naging kontrobersyal ito dahil sa mga alalahanin sa displacement ng mga residente, paggamit ng kuryente at tubig, at kung data center ba ito o manufacturing hub.
Sa gitna ng mga pagdinig, nilinaw ng BCDA na hindi ito nakatakda bilang cluster ng hyperscale data centers, kundi bilang industrial hub na kinabibilangan ng paggawa ng semiconductors at microchips na ginagamit sa computers, laptops, electric vehicles, at iba pang teknolohiya. Ernie Reyes