MANILA, Philippines – ARESTADO ang dalawang indibidwal na kapwa wanted sa kasong Murder sa isinagawang manhunt operation ng pulisya sa Valenzuela City.
Sa ulat ni Valenzuela Police Chief P/Col. Joseph Talento kay Northern Police District (NPD) Acting Director P/BGen. Benliner Capili, may inilabas na arrest warrant ang hukuman laban sa dalawang kelot na edad 23, at 19-anyos na kapwa residente ng Barangay Gen. T. De Leon.
Ang warrant of arrest ay parehong inisyu ng Regional Trial Court (RTC) Branch 172, Valenzuela City, para sa kasong Murder na kapwa walang inirekomendang piyansa.
Kaagad namang ikinasa ng mga opeartiba ng Warrant and Subpoena Section ng Valenzuela Police ang operation laban sa dalawang akusado na nagresulta sa pagkakaaresto sa kanila sa nasabing barangay.
Matapos nito, dinala ang mga akusado sa pagamutan para sa medical examination bago tinurnover sa Custodial Facility Unit ng Valenzuela CPS kung saan sila pansamatalang ipiniit habang hinihintay ang utos mula sa korte para sa paglilipat sa kanila sa City Jail. Merly Duero