Home NATIONWIDE Mas matinding parusa laban sa online child sexual abuse, aprubado na sa...

Mas matinding parusa laban sa online child sexual abuse, aprubado na sa Kamara

1
0

MANILA, Philippines – Lusot na sa ikatlo at huling pagbasa sa Kamara nng isang priority measure ng Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC) na naglalayong paigtingin ang laban ng bansa laban sa online child sexual abuse and exploitation, kabilang ang mga bagong banta mula sa artificial intelligence (AI)-generated content at iba pang makabagong teknolohiya.

Sa 284 na botong pagsang-ayon, ipinasá ang House Bill (HB) No. 9461, o ang panukalang “Child Online Safety and Protection Act of 2026.”

Layunin ng panukala na palakasin at palawigin ang Republic Act No. 11930, o ang Anti-Online Sexual Abuse or Exploitation of Children (OSAEC) and Anti-Child Sexual Abuse or Exploitation Materials (CSAEM) Act, sa pamamagitan ng pagpapatupad ng mas mahigpit na safeguards, mas malawak na enforcement powers, at isang mas organisadong pambansang balangkas upang maprotektahan ang mga bata sa digital age.

Ayon kay Hlouse Majority Leader Sandro Marcos, tugon ang panukalang batas na ito sa mabilis na pagbabago ng pamamaraan ng online child exploitation at sa lumalagong paggamit ng teknolohiya ng mga kriminal na grupo para biktimahin ang mga bata.

“Technology has created new opportunities for learning, communication and development, but it has also opened new avenues for predators to exploit children. Our laws must evolve just as quickly to confront these threats and ensure that Filipino children remain protected,” ani Marcos.

Ipinalawak ng bill ang kahulugan ng child sexual abuse or exploitation materials upang maisama rito ang mga artificial intelligence-generated, synthetic, at digitally manipulated exploitative content, kabilang ang mga deepfakes na kinasasangkutan ng mga bata.

Ituturing na rin nitong krimen ang mas malawak na uri ng online offenses tulad ng sexual extortion, grooming, luring, image-based sexual abuse, at livestreamed child exploitation.

Sa ilalim ng panukala, ang mga mapatutunayang nagkasala sa paggawa, pamamahagi, pag-livestream, o pagpapadali ng child sexual abuse materials ay maaaring maharap sa parusang habambuhay na pagkabilanggo at multa na hindi bababa sa P2 milyon.

Ang mga mapatutunayang nagtataglay ng child sexual abuse materials ay maaaring makulong ng hanggang 20 taon at magmulta ng hanggang P500,000, samantalang ang mga mapatutunayang sadyang nag-a-access sa mga naturang materyal ay mahaharap sa hanggang 12 taong pagkakakulong at multa na hanggang P300,000.

Sa ilalim ng panukala ay pinalakas din ang batas na mag-utos ng pag-block, pagpapasara, at pag-antala sa mga online account, website, platform, at digital infrastructure na ginagamit sa mga krimen.

Pinalalakas din nito ang financial surveillance sa pamamagitan ng pagpapahintulot sa mga covered financial entity na pansamantalang limitahan o isuspinde ang mga kahina-hinalang transaksyon na may kaugnayan sa child exploitation offenses, upang matulungan ang mga awtoridad na buwagin ang mga criminal network.

Inihayag ni Marcos na kinilala ng Kamara ang agarang pangangailangan para sa mas matitinding intervention sa gitna ng mga paulit-ulit na ulat na nagtuturo sa Pilipinas bilang isa sa mga bansang pinaka-apektado ng online child sexual exploitation.

“The exploitation of children is among the most heinous crimes imaginable. Every child deserves to grow up in a safe environment, free from abuse, coercion and exploitation, whether in the physical world or in digital spaces,” dagdag pa nito.

Isinusulong din ng panukala ang isang whole-of-government approach sa pamamagitan ng paglikha ng National Council for Child Online Safety and Protection sa ilalim ng Department of Justice.

Itatatag din ang National Child-Safety Command and Operations Service bilang operational arm na syang tututok sa intelligence gathering, monitoring, at interagency coordination laban sa mga online child exploitation syndicate.

Sinabi ni Marcos na patunay ang panukalang ito sa commitment ng Kongreso.

“This legislation sends a clear message that those who prey on children online will face the full force of the law. At the same time, it strengthens the government’s capacity to prevent abuse, rescue victims and hold offenders accountable,” ayon kay Marcos. Gail Mendoza

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here