MANILA, Philippines – Nilinaw ng Department of Justice ang paggamit ng Identification Certificate na inisyu ng Bureau of Immigration sa mga aplikasyon para sa Report of Birth.
Ayon sa Department of Justice (DOJ), sa Legal Opinion No. 11, series of 2026, ang Identification Certificate na inisyu ng Bureau of Immigration (BI) kaugnay ng Recognition of Philippine citizenship ay sapat na basehan para bigyan ng aksyon ang aplikasyon sa Report of Birth (ROB).
Inilabas noong Abril 16, 2026 at nilagdaan ni Justice Secretary Frederick Vida, ang opinyon ay tugon sa legal inquiry ng Department of Foreign Affairs (DFA), sa pamamagitan ng Office of Undersecretary Jesus Domingo para sa Civilian Security and Consular Affairs.
Humiling ng paglilinaw ang DFA kung ang BI-issued Identification Certificate na kumikilala sa pagka-Pilipino ay sapat na basehan para sa isang Philippine consulate na iproseso ang ROB application ng isang tao na ang mga magulang ay nakakuha ng dayuhang citizenship bago siya ipinanganak at kalauna’y nag-reacquire ng Philippine citizenship sa ilalim ng Republic Act 9225.
Ipinaliwanag din na ayon sa Section 4 ng RA 9225, ang derivative citizenship ay limitado lang sa mga anak na walang asawa, lehitimo, illegitimate, o ampon na wala pang 18 taong gulang ng mga taong nag-reacquire ng Philippine citizenship.
Ang mga anak na 18 taong gulang pataas na sa oras na mag-reacquire ng citizenship ang magulang ay hindi awtomatikong itinuturing na Pilipino sa pamamagitan ng derivative citizenship at dapat munang sumailalim sa recognition proceedings sa BI.
Binanggit din ng Opinion na pinapayagan ng RA 9225 ang mga natural-born Filipinos na naging naturalized citizens ng ibang bansa na panatilihin o makuha muli ang Philippine citizenship sa pagkuha ng itinakdang oath of allegiance.
Sinabi ni Vida na ang pribilehiyo ng pagkamit ng pagka-Pilipino, tulad ng anumang karapatan, ay dapat nakabatay sa rule of law at hindi sa convenience lang o palagay. Jocelyn Tabangcura-Domenden