Home HOME BANNER STORY Mahigit 200 ASEAN protesters, hindi pa pinalalaya; inquest nagpapatuloy

Mahigit 200 ASEAN protesters, hindi pa pinalalaya; inquest nagpapatuloy

3
0

MANILA, Philippines – Hindi pa napapalaya ang mahigit 200 demonstrador na inaresto sa Muntinlupa City noong Linggo, Nobyembre 15, habang nagpapatuloy ang inquest proceedings kaugnay ng kanilang protesta laban sa Pax Silica initiative at pagbisita ni US President Donald Trump.

Ayon kay Southern Police District (SPD) Director Brig. Gen. Rodel Pastor, isinailalim sa processing at documentation ang mga miyembro ng Lakbayan ng Timog Katagalugan na dinala sa Camp Bagong Diwa sa Taguig City.

Sa ulat ng GMA News nitong Martes, Nobyembre 17, hindi pa inilalabas ng pulisya ang eksaktong mga kasong posibleng isampa laban sa mga demonstrador.

Iginiit naman ni Pastor na hindi umano idinetine ang mga raliyista kundi isinailalim lamang sa kinakailangang proseso.

Para sa mga menor de edad na kabilang sa operasyon, sinabi ng opisyal na isasailalim sila sa pangangalaga ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Samantala, kinuwestyon ng National Union of People’s Lawyers (NUPL) ang umano’y pagkaantala sa pagbibigay ng legal assistance sa mga inaresto.

Ayon kay NUPL lawyer Katherine Panguban, halos 24 oras umanong walang access sa abogado ang karamihan sa mga demonstrador.

Binigyang-diin niyang nananatiling pangunahing karapatan ng publiko ang malayang pagpapahayag at mapayapang pagtitipon.

Sa ilalim ng Republic Act No. 7438, may karapatan sa legal counsel ang mga taong inaresto, idinetine o isinasailalim sa custodial investigation.

Batay sa ulat, bandang alas-10 ng umaga noong Lunes lamang pinayagang makapasok ang mga abogado at paralegal sa Camp Bagong Diwa upang magbigay ng legal assistance.

Nagtipon din ang mga kaanak ng mga inaresto sa labas ng pasilidad upang malaman ang kanilang kalagayan.

Patuloy pang hinihintay ang resulta ng inquest proceedings at paglilinaw ng mga awtoridad sa eksaktong legal na kalagayan ng mga demonstrador. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here