MANILA, Philippines – Naharang ng Bureau of Immigration (BI) ang isang dayuhang pasahero na gumamit umano ng tunay na Indian passport at Canadian visa na pag-aari ng ibang tao upang makabiyahe patungong Canada.
Ayon sa BI, nasita ang pasahero sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1 noong Nobyembre 7, 2026, matapos makatanggap ng impormasyon mula sa mga awtoridad ng Canada tungkol sa posibleng paggamit nito ng maling pagkakakilanlan.
Galing Malaysia ang pasahero sakay ng Philippine Airlines nang isailalim ito sa masusing pagsusuri ng mga immigration officer.
Nagsagawa ang Immigration Protection and Border Enforcement Unit (I-PROBES) ng facial recognition at forensic signature comparison upang beripikahin ang pagkakakilanlan ng pasahero.
Lumabas sa pagsusuri na hindi siya ang tunay na may-ari ng mga dokumentong kanyang ginagamit.
Kinumpirma naman ng BI Anti-Fraud Section na tunay ang pasaporte at visa, ngunit nakapangalan ang mga ito sa ibang indibidwal.
Dahil dito, ini-refer ang pasahero sa kinauukulang airline para sa pagbabalik sa bansang kanyang pinanggalingan.
Pinuri ni BI Commissioner Joel Anthony Viado ang mga immigration officer na nakatukoy sa umano’y paggamit ng maling identidad.
Binigyang-diin din ng opisyal ang kahalagahan ng pakikipag-ugnayan sa mga awtoridad ng ibang bansa upang mapigilan ang paggamit sa Pilipinas bilang transit point ng mga dayuhang nagtatangkang bumiyahe gamit ang dokumento ng ibang tao. Jay Reyes