Home NATIONWIDE Mas mahigpit na labor inspections sa fishing sector, ipatutupad ng DOLE

Mas mahigpit na labor inspections sa fishing sector, ipatutupad ng DOLE

3
0

MANILA, Philippines – Isinusulong ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang mas mahigpit na labor inspections sa mga fishing vessel upang mapalakas ang proteksyon at kaligtasan ng mga mangingisda sa Pilipinas at iba pang bansa sa Southeast Asia.

Ayon kay Labor Secretary Francis Tolentino nitong Martes, Nobyembre 17, kabilang ito sa mga prayoridad ng Pilipinas sa pag-upo bilang chair ng ASEAN Labour Inspection Committee (ALICOM) sa 2027.

Kasunod ng ika-6 na ALICOM Meeting sa Clark, Pampanga, binigyang-diin ni Tolentino ang pangangailangang makipag-ugnayan sa Philippine Coast Guard (PCG) at iba pang maritime agencies upang maisakatuparan ang mga inspeksyon sa karagatan.

Saklaw ng isinusulong na hakbang ang fisheries sector, kabilang ang mga karagatang bahagi ng exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas.

“Kung paano maisasakatuparan ‘yan, kailangan natin ng koordinasyon sa ibang ahensya, tulad ng Philippine Coast Guard,” ani Tolentino.

Nakaangkla ang plano sa ASEAN Guidelines on Strengthening Labour Inspection in the Fishing Sector, na naglalayong mapabuti ang kondisyon sa trabaho, maiwasan ang pang-aabuso at mapalakas ang pagpapatupad ng labor standards sa industriya ng pangingisda.

Kabilang sa mga hakbang ang pagpapalawak ng kooperasyon sa pagitan ng mga bansa at pagpapalitan ng epektibong pamamaraan ng labor inspection.

Partikular na binanggit ni Tolentino ang mga karanasan ng Malaysia at Indonesia na maaaring pagbatayan sa pagbuo ng mas maayos na sistema ng inspeksyon sa rehiyon.

Bukod sa fisheries sector, tututukan din ng Pilipinas ang pagpapahusay sa kakayahan ng mga labor inspector, proteksyon sa informal workers at maliliit na negosyo, at paggamit ng digital technology sa labor enforcement.

Patuloy pang pagbubuuan ng mga kaukulang ahensya ang mga mekanismo para sa pagpapatupad ng mas malawak na inspeksyon sa karagatan. Jocelyn Tabangcura-Domenden

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here