Home NATIONWIDE Teodoro, pinatatalupan pagkasawi ng sundalo sa bagong Tabaso clash

Teodoro, pinatatalupan pagkasawi ng sundalo sa bagong Tabaso clash

3
0

MANILA, Philippines — Nanawagan si Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. ng masusing imbestigasyon sa engkuwentro sa Negros Occidental na ikinasawi ng isang sundalo, habang ipinagtanggol ang nagpapatuloy na operasyon ng militar laban sa mga rebeldeng komunista sa lalawigan.

Sa pagbisita sa mga tropa ng Armed Forces of the Philippines sa Camp Edilberto Evangelista sa Cagayan de Oro City, sinabi ni Teodoro na dapat ding mabigyang-pansin ang pagkamatay ni Private First Class John Rey Brasil, na nasawi habang nagsasagawa ng operasyon laban sa mga hinihinalang miyembro ng New People’s Army (NPA) sa Barangay Tamlang, Escalante City noong Hunyo 1.

“Bumuhos na naman ang salitang ‘imbestigasyon’. Ngayon, may namatay tayong kapatid. Nasa konsensya ng mga nanggugulo, lalo na ng mga nagpapasiklab, ang dugo ng kapatid natin,” ani Teodoro.

“Sinasabi nilang hindi totoo ang pangyayari sa Negros, eh namatayan tayo. Sino ngayon ang sasagot? Ako ngayon ang humihingi ng imbestigasyon dahil may namatay tayong kapatid,” dagdag niya.

Ayon sa mga ulat, binaril sa ulo si Brasil habang pinangungunahan ang operasyon ng militar. Sinabi rin ng mga awtoridad na ang suspek sa pagpatay sa sundalo ay iniuugnay sa engkuwentro sa Toboso noong Abril 19 na ikinasawi ng 19 katao.

Matapos makipagpulong sa mga sundalo, bumisita rin si Teodoro sa burol ni Brasil sa Sagay City.

“Nung nalaman kong nangyari ito, alam na naman natin na galing tayo dito two weeks ago para pabulaanan na ang ating tropa ay pumapaslang ng hindi combatant. Ito patunay na totoo lahat ng sinasabi ng ating mga sundalo,” aniya.

Hinamon din ng kalihim ang mga grupong kumukuwestiyon sa operasyon ng militar na harapin ang pamilya ng nasawing sundalo.

“Yung mga nagku-kuwestyon sa gawain ng AFP, pananagutan niyo ito. Pananagutan niyo ito. Harapin niyo ang pamilya nito ngayon at sabihin niyong hindi tama ang sakripisyo ng batang ito,” sabi niya.

“Mag-imbestiga kayo ngayon dito. Harapin ninyo ang pamilya—[kayong] mga nagpoproteksyon sa mga terorista,” dagdag pa niya.

Iginiit ni Teodoro na intelligence-driven ang mga operasyon ng militar at nakatutok lamang sa mga armadong rebelde.

“Intelligence-driven ang operations ng ating Philippine Army. Kilala namin sino ang tinutugis to the last man. Identified talaga ang tinutugis,” aniya.

“Yung nangyari sa Toboso, ilang beses binigyan ng tsansa na sumuko, pero lumaban,” dagdag niya.

Inilarawan din ni Teodoro si Brasil bilang isang dedikadong sundalo na sumapi sa serbisyo militar sa edad na 19 at naghahanda sana para sa karagdagang pagsasanay.

Naiwan ni Brasil ang kanyang 24-anyos na asawa at isang taong gulang na anak.

“Nakita niyo naman ang biyuda, one year pa lang silang kasal. Twenty-four years old. Hindi pa ma-handle ng bata yung loss,” ani Teodoro.

Sa kabila ng insidente, tiniyak ng kalihim na magpapatuloy ang operasyon laban sa mga rebeldeng komunista sa Negros Occidental.

“There is no warning. Alam naman nila pwede silang sumuko, pero hindi titigil itong ating mga tropa,” aniya.

“Sa ating mga Negrense, kung mayroong operations dito, it is to continue para matuloy ang progress at development ng Negros,” dagdag niya. Dave Baluyot

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here