Home METRO Alitan sa WiFi nauwi sa saksakan sa Isabela; 1 patay

Alitan sa WiFi nauwi sa saksakan sa Isabela; 1 patay

3
0

ILAGAN CITY, Isabela — Patay ang isang 51-anyos na lalaki matapos umanong pagsasaksakin ng kanyang kapitbahay kasunod ng pagtatalo tungkol sa koneksiyon ng WiFi sa Barangay Bangag nitong Miyerkules ng gabi.

Batay sa imbestigasyon ng Ilagan police, nagsimula ang insidente nang marinig ng 37-anyos na suspek ang mainitang pagtatalo ng kanyang asawa at ng biktima hinggil sa WiFi connection sa Purok 7.

Ayon sa mga awtoridad, pauwi na umano ang suspek mula sa sakahan matapos painumin ng tubig ang kanyang alagang baka nang magtungo siya sa lugar ng komprontasyon.

Pagdating doon, nagkaroon ng pagtatalo ang dalawa. Lumalabas sa paunang imbestigasyon na tinangka umanong hampasin ng biktima ang suspek gamit ang isang tubo.

Dahil dito, bumunot umano ng itak ang suspek at sinaksak ang biktima nang tatlong beses sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Agad na dinala sa ospital ang biktima ngunit idineklara itong dead on arrival ng mga doktor.

Matapos ang insidente, nagtungo ang suspek sa bahay ng kanyang tiyahin at doon naghintay hanggang dumating ang mga awtoridad. Kalaunan ay kusang-loob siyang sumuko sa pulisya.

Nabatid din sa imbestigasyon na matagal nang may alitan ang suspek at biktima bago pa man nangyari ang insidente.

Kasalukuyang nakakulong ang suspek sa kustodiya ng Ilagan police habang inihahanda ang kasong homicide laban sa kanya. Mary Anne Sapico

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here