Patay ang 49 katao matapos mauhaw sa isang liblib na bahagi ng Sahara Desert sa Niger nang masiraan ang sinasakyan nilang trak, ayon sa mga awtoridad nitong Huwebes.
Ayon sa Agadez governorate, kabilang ang mga biktima sa isang grupong pauwi mula Mali para sa isang pagdiriwang ng mga Muslim nang maubusan sila ng tubig. Naganap ang insidente mahigit 80 kilometro sa kanluran ng Assamaka, isang pangunahing tawiran sa hangganan ng Niger at Algeria na malapit din sa Mali.
Nasiraan umano ng sasakyan ang grupo at hindi na ito naayos sa kabila ng pagsisikap ng driver, kanyang mga katulong at mga pasahero.
“Deprived of water and unable to repair the vehicle despite the efforts of the driver, his assistants and the passengers, the travellers found themselves trapped in the heart of a hostile environment where extreme temperatures and the absence of supply points make survival extremely difficult,” ayon sa pahayag ng governorate.
Inilibing naman sa mga mass grave ang mga nasawi.
Dalawa katao ang nakaligtas matapos maglakad nang mahigit 50 kilometro upang marating ang isang pinagkukunan ng tubig bago nagtungo sa Assamaka at ipinaalam sa mga awtoridad ang nangyari.
Kilalang ruta ng mga migranteng nagtutungo sa Europa mula sa iba’t ibang bansa sa Africa ang nasabing bahagi ng disyerto, kung saan marami na ring nasawi noon dahil sa matinding uhaw at gutom. RNT