MEDELLIN, Cebu — Nasagip ng mga awtoridad ang ilang endangered at protected wildlife species mula sa isang resort sa Medellin, Cebu at inaresto ang manager nito dahil sa umano’y ilegal na pag-iingat at pagpapakita ng mga hayop nang walang kaukulang permit mula sa gobyerno.
Ayon sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG)-Mandaue City Field Unit, inaresto ang 55-anyos na resort manager na kinilalang si “Lyn” matapos madiskubre ng mga imbestigador ang iba’t ibang wildlife species na nakalagay at ipinapakita sa loob ng resort nang walang kinakailangang pahintulot mula sa Department of Environment and Natural Resources (DENR).
Kabilang sa mga nasagip ang apat na African spurred tortoise, anim na loro na binubuo ng Eclectus, Blue-naped at African Grey species, isang Black Palm Cockatoo, at dalawang macaw na kinilalang Green-winged at Blue-and-gold.
Tinatayang nasa P3.5 milyon ang kabuuang halaga ng mga nasamsam na hayop.
Nahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Wildlife Resources Conservation and Protection Act na nagtatakda ng mga patakaran sa pag-aalaga, pagmamay-ari, transportasyon at kalakalan ng wildlife species sa bansa.
Ayon kay CIDG Director Police Major General Robert Morico II, nananatiling prayoridad ng pamahalaan ang pangangalaga sa wildlife at biodiversity ng bansa.
“It is the policy of the state to conserve and protect the country’s wildlife resources and their habitats for sustainability, promote ecological balance, and enhance biological diversity,” ani Morico.
Ipinaliwanag din niya na ang mga wildlife na inilalagay sa mga hindi lisensyadong pasilidad ay kadalasang nakararanas ng hindi angkop na kondisyon at kulang sa kinakailangang pangangalagang beterinaryo.
“Because the facility bypasses government inspections, it lacks the professional veterinary and biological oversight required to maintain wild animals,” dagdag niya.
Nagbabala naman ang CIDG na ipagpapatuloy nito ang operasyon laban sa ilegal na pagmamay-ari ng wildlife at iba pang paglabag sa environmental laws, dahil ang pagsasamantala sa mga hayop ay banta sa kalikasan at biodiversity ng bansa. Santi Celario