Home METRO Ikatlong pagputok ng Taal nitong Hunyo, naitala

Ikatlong pagputok ng Taal nitong Hunyo, naitala

3
0

BATANGAS, Philippines – Nakapagtala ang Taal Volcano sa Batangas ng panibagong maikling phreatomagmatic eruption noong Sabado ng hapon, Hunyo 6, ayon sa PHIVOLCS. Ito na ang ikatlong pagputok ng bulkan ngayong buwan.

Ayon sa PHIVOLCS, naganap ang pagputok dakong 2:55 p.m. at tumagal ng halos isang minuto. Nagbuga ito ng usok na umabot sa humigit-kumulang 100 metro mula sa Main Crater.

Nauna rito, nakaranas ang Taal ng apat na minutong phreatomagmatic eruption noong Hunyo 5 na nagbuga ng plume na umabot sa 300 metro. Noong Hunyo 4 naman, nagtala rin ito ng dalawang minutong pagputok na nagpalabas ng plume na umabot sa 900 metro.

Bago ang mga ito, nagkaroon din ng maliliit na phreatic o steam-driven eruptions noong Mayo 8 at Mayo 16. Noong Abril, nakapagtala ang bulkan ng siyam na maliliit na eruptive events, kabilang ang apat na phreatomagmatic eruptions at limang phreatic bursts.

Ipinaliwanag ng PHIVOLCS na ang phreatomagmatic eruption ay nangyayari kapag nagkaroon ng pagsabog dahil sa paghalo ng magma at tubig, habang ang phreatic eruption naman ay dulot ng mabilis na pag-init ng tubig sa ilalim o ibabaw ng lupa.

Sa ulat ng PHIVOLCS noong Sabado ng umaga, nagbuga ang Taal ng 3,105 metriko tonelada ng sulfur dioxide sa nakalipas na 24 oras. Nakapagtala rin ito ng katamtamang pagbuga ng usok na umabot sa 1,200 metro at inanod pahilagang-silangan.

Wala namang naobserbahang volcanic smog o vog at pag-umbok ng maiinit na volcanic fluid sa Main Crater Lake. Nakapagtala rin ang ahensya ng apat na volcanic tremor na tumagal mula dalawa hanggang 194 minuto.

Nananatili sa Alert Level 1 ang Taal Volcano, na nangangahulugang may mababang antas ng volcanic unrest. Gayunman, nagbabala ang PHIVOLCS na maaari pa ring magkaroon ng biglaang steam-driven o maliliit na phreatomagmatic eruptions, pag-ulan ng abo, at mapanganib na pagbuga ng volcanic gases sa loob ng Taal Volcano Island, na nananatiling permanent danger zone. RNT/MND

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here