MANILA, Philippines – Sinuri noong Sabado ni PBGen. Arnold Santiago, direktor ng Manila Police District (MPD), ang mga paghahanda sa seguridad sa Mendiola bago ang pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan sa Hunyo 12.
Ayon kay Santiago, handa ang MPD sa mga posibleng kilos-protesta sa araw ng selebrasyon. Sinuri rin niya ang mga security measures sa mga gate at pangunahing daan patungo sa Malacañang Palace.
“Nire-remind natin yung mga tao natin na protektahan ang executive branch of the government. Huwag ma-hamper yung day-to-day activities, functioning of the government. Let us respect, protect the duly constituted authorities of the government. The executive particularly, first and foremost, siyempre ang ating presidente,” ani Santiago.
Nauna nang lumabas ang mga ulat tungkol sa planong mga protesta at umano’y destabilization efforts laban sa administrasyon ni Ferdinand Marcos Jr.. Gayunman, sinabi ng Philippine National Police (PNP) na wala itong natatanggap na beripikadong impormasyon ukol sa naturang banta.
Samantala, sinabi ni Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro na hindi pa nakukumpirma ng Malacañang ang mga ulat tungkol sa umano’y destabilization plot.
Binigyang-diin naman ni Santiago na iginagalang ng pulisya ang karapatan ng mamamayan na magpahayag ng kanilang saloobin at magsagawa ng mapayapang pagtitipon.
“Sanction naman yan ng Constitution na nakalagay doon, the right of the people to petition the government for redress of grievances, right po yan. So hindi po natin iko-curtail yan, sa atin lang huwag umabot doon sa punto na magkasakitan,” aniya.
Dagdag ng MPD, sapat ang kanilang mga tauhan upang tiyakin ang seguridad ng Malacañang at mapanatili ang kaayusan sa Araw ng Kalayaan. RNT/MND