MANILA, Philippines – Nakapagtala ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) ng mga tsunami wave na may iba’t ibang taas, kabilang ang pinakamataas na naitalang 1.4 metro, matapos ang magnitude 7.8 na lindol sa karagatan ng Sarangani noong Lunes ng umaga, Hunyo 8.
Ayon sa Phivolcs, nagpapatuloy pa rin ang tsunami activity at patuloy na nakapagtatala ng paggalaw ng tubig-dagat ang mga sea-level monitoring station sa ilang bahagi ng Mindanao ilang oras matapos ang lindol.
Batay sa datos ng Phivolcs hanggang alas-11 ng umaga, unang dumating ang mga tsunami wave sa mga sumusunod na lugar:
–7:42 a.m. – Maasim, Sarangani
–7:44 a.m. – Kiamba, Sarangani
–7:59 a.m. – Kalamansig, Sultan Kudarat
–8:19 a.m. – Mati City, Davao Oriental
–8:32 a.m. – Zamboanga City
–8:45 a.m. – Tandag City, Surigao del Sur
Binigyang-diin ng Phivolcs na maaaring magpatuloy ang tsunami activity nang ilang oras matapos dumating ang unang mga alon. Dahil dito, pinayuhan ang mga residente sa mga apektadong baybaying lugar na manatiling alerto at sundin ang mga tagubilin ng mga lokal na awtoridad.
Patuloy namang mino-monitor ng Phivolcs ang kondisyon ng dagat at ang posibleng epekto nito sa mga baybaying lugar na sakop ng tsunami warning. RNT/MND