MANILA, Philippines – Umakyat na sa 53 ang naiulat na bilang ng mga namatay dahil sa magnitude 7.8 na lindol na tumama sa Mindanao, ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP).
Ayon kay BFP spokesperson Fire Superintendent Anthony Arroyo, 53 bangkay na ang narekober ng kanilang Emergency Operation Center, bagamat ang ilan sa mga ito ay sumasailalim pa sa beripikasyon upang matukoy ang kanilang pagkakakilanlan.
Mas mataas ito kaysa sa naunang ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na nagsabing 45 ang nasawi.
Karamihan sa mga naitalang pagkamatay ay mula sa SOCCSKSARGEN, na may 33 nasawi, habang 12 naman ang mula sa Davao Region. Patuloy pa ring bineberipika ang mga bilang na ito.
Nananatiling nasa full alert o Code Red ang BFP sa Davao Region at SOCCSKSARGEN. Kabuuang 3,441 BFP personnel ang naka-standby para sa rescue, assessment, at iba pang operasyon. Apat na fire stations sa SOCCSKSARGEN ang naiulat ding nasira ng lindol.
Samantala, sinabi ng Office of Civil Defense (OCD) na narating na ng mga responder ang mga lugar na dating hindi madaanan, bagamat may ilang lugar pa ring mahirap puntahan dahil sa sirang mga kalsada at imprastraktura. RNT/MND