MANILA, Philippines – Inihayag ni Senator Robinhood Padilla nitong Huwebes na naghain siya ng resolusyon sa Senado para ipaimbestiga ang mga pangyayari sa pagkamatay ng Ateneo de Manila University basketball player na si Rene Clert Baterbonia, na kasama ring pumanaw ang teammate na si Divine Adili sa isang drowning incident sa Dipaculao, Aurora.
Ayon kay Padilla, dumalo siya sa lamay ng biktima sa Quezon City at sinabi niyang patuloy na naghahanap ng kasagutan ang pamilya sa trahedya.
Ipinahayag din niya ang matinding kalungkutan sa nangyari at binigyang-diin na isang mabait at pamilyang tao ang atleta.
Sinabi rin ng senador na nagbigay ng tulong ang kanyang opisina sa pamilya ng biktima, ngunit hindi na niya idinetalye ang mga ito.
Giit ni Padilla, mahalagang mapakinggan ang kwento ng estudyante upang magsilbing aral sa kabataan.
Samantala, nagbabala rin siya na ang patuloy na alitan sa liderato ng Senado, partikular sa Committee on Public Order and Dangerous Drugs, ay maaaring makapagpabagal sa imbestigasyon ng kaso.
Ayon sa kanya, patuloy nilang kinikilala si Senator Ronald “Bato” dela Rosa bilang chair ng komite, at hindi nila itinuturing na bakante ang posisyon sa kabila ng pagtatalo ng magkaibang bloc sa Senado.
Sinabi rin ni Padilla na umaasa siyang Korte Suprema ang magbibigay-linaw sa usapin ng liderato sa Senado.
Pinabulaanan din niya ang mga ulat tungkol sa security threats sa Senado at iginiit na wala silang natatanggap na ganitong impormasyon sa kanilang grupo. RNT/MND