MANILA, Philippines – Malaki ang paniniwala ni Senador Vicente Sotto III na maaaring bahagi ng destabilization plot ang pagwasak sa website ng Senado na naunang ipinalutang ng National Bureau of Investigation (NBI) hinggil sa intelligence report na guguluhin ang Mataas na Kapulungan.
Sa panayam ng Senate media, sinabi ni Sotto na hindi nito tuwirang masasabi na bahagi ng destabilization plot ang pagwasak sa website ng Mataas na Kapulungan na hindi ngayon mapuntahan.
“I don’t know. Could be,” ayon kay Sotto. “Anything to hurt the Senate probably.”
Nitong Miyerkules, hindi na mabuksan ang website ng Senado na inamin ng ilang hacktivist na nagsasabing “transparency is not optional.”
Nakilala ang Filipino hacktivist sa pangalang “Nullsec Philippines na umako sa pagwasak sa website ng Senado.
“The Filipino people entrusted you with power, responsibility, and the duty to serve the nation—not personal interests, political dynasties, or corrupt networks,” ayon sa Nullsec sa isang social media post noong gabi ng Miyerkules.
“Every peso lost to corruption is a meal taken from a family, a classroom left unfinished, and a future denied,” dagdag ng grupo sa report.
“Accountability is not negotiable. Public office is not a shield from scrutiny.”
Kasabay nito, kinumpirma naman ng Senate Electronic Data Processing Management Information System (EDP-MIS) sa isang statement na nagsasabing ipinatupad kaagad ang security protocol upang makopo ang isyu, magsagawa ng imbestigasyon at iwasan ang susunod na pangyayari.
“Based on our initial assessment, there is no indication that any confidential or sensitive information has been compromised. The website primarily contains publicly available documents and informational materials intended for public access,” ayon sa EDP-MIS.
Nitong Martes, ipinahayag ni Senate President Pro-Tempore Sherwin Gatchalian na may matinding banta sa seguridad ng Senado kaya’t itinaas ang seguridad sa paligid ng gusali at pinayagan ang work-from-home set-up.
Ipinalabas ni Gatchalian ang direktiba sa isang memorandum na ipinakalat sa lahat ng tanggapan sa Senado. Ernie Reyes