Home HOME BANNER STORY State of calamity idineklara sa 106 lugar dahil sa El Niño

State of calamity idineklara sa 106 lugar dahil sa El Niño

1
0

MANILA, Philippines – Umabot na sa 106 lungsod at munisipalidad sa bansa ang idineklarang nasa state of calamity dahil sa El Niño, ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).

Sa pinakahuling ulat ng NDRRMC nitong Lunes, 66 na lugar sa Cagayan, 23 sa Caraga, 12 sa Bicol, apat sa Calabarzon at isa sa Soccsksargen ang nasa state of calamity.

Apektado na ng El Niño ang 388,375 indibidwal o 104,149 pamilya sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Pinakamaraming apektado sa Cagayan na may 47,587 indibidwal, sinundan ng Caraga na may 45,507 at Bicol na may 11,055. May 191 namang apektado sa Calabarzon.

Ayon sa NDRRMC, nakapaglaan na ang pamahalaan ng P39,058,681.06 na ayuda para sa 24,618 sa 35,893 pamilyang natukoy na nangangailangan ng tulong.

Nauna nang sinabi ng PAGASA na maaaring lumakas pa ang El Niño at maging “very strong” sa pagitan ng Setyembre at Disyembre at magpatuloy hanggang unang bahagi ng 2027. Inaasahang magdudulot ito ng mas mataas na temperatura at malaking pagbaba ng pag-ulan.

Samantala, iniulat ng Department of Agriculture noong Setyembre 26 na 223,214 magsasaka sa 14 na rehiyon ang apektado ng El Niño, habang umabot sa P6.87 bilyon ang pinsala sa agrikultura. Apektado rin ang tinatayang 249,028 ektarya ng agricultural land at production.

Patuloy namang mino-monitor ng Office of Civil Defense ang pagpapatupad ng National Action Plan on El Niño, kabilang ang mga posibleng epekto ng tag-init gaya ng pagdami ng forest fires.

Sinabi ni OCD Administrator Harold Cabreros na kailangang paghandaan ang cascading effects ng dry season, kabilang ang posibleng pagtaas ng insidente ng sunog sa kagubatan.

Hinimok din niya ang publiko na makipagtulungan sa mga ahensya ng gobyerno sa pagtitipid ng tubig at enerhiya habang nagpapatuloy ang El Niño. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here