CAMP OLIVAS, PAMPANGA-Timbog sa mga awtoridad ang tatlong (3) high-value drug suspek na kinabibilangan ng dalawang lalaki at isang babae at masabat sa mga suspek ang nasa higit P38 milyong halaga ng iligal na droga sa ikinasang buybust operation ng pulisya nitong Miyerkules, Hunyo 10 sa Barangay Del Pilar, City of San Fernando, Pampanga.
Batay sa ulat kay Central Luzon Police Director Brigadier General Jess Mendez, kinilala ng pulisya ang mga naarestong suspek na sina alyas “Ambeth”, 35 anyos, “Bert”, 45 na kapwa mga taga-Dasmariñas City, Cavite at alyas “Nini”, 47 anyos na taga-Taguig City na pawang mga high value individual (HVI).
Sa ulat, magkasanib puwersang naaresto ng Police Regional Police Drug Enforcement Unit 3 (RPDEU3), Regional Special Operations Group 3 (RSOG3) at San Fernando City Police Station Drug Enforcement Unit ang mga suspek.
Nadakip ang mga suspek sa patibong matapos umanong maaktuhang nagbenta ng shabu sa undercover police.
Narekober sa mga suspek ang nasa apat na kilo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng mahigit P27.2 milyon, at 134 gramo ng hinihinalang cocaine hydrochloride na may standard drug price na P11.3 milyon at ang marked/boodle money na ginamit sa buybust.
Nasa kustodiya na ng pulisya ang mga naarestong suspek na mahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002. ROEL TARAYAO