Home NATIONWIDE P180B pondo pinagagamit sa gobyerno sa rehabilitasyon ng Mindanao quake

P180B pondo pinagagamit sa gobyerno sa rehabilitasyon ng Mindanao quake

3
0

MANILA, Philippines – Inihayag ni Senate President Pro Tempore Win Gatchalian na maaaring gamitin ng pamahalaan ang kabuuang P180.482 bilyon mula sa 2026 national budget para sa agarang pagtugon at rehabilitasyon sa Mindanao matapos ang malakas na lindol na ikinamatay ng 40 katao at nagdulot ng malawakang pinsala sa mga imprastraktura.

“Ang importante magamit natin agad ang mga pondo na ito dahil marami tayong kababayan na apektado at nangangailangan ng agarang tulong mula sa gobyerno,” ani Gatchalian.

Sa P180 bilyon, P17.898 bilyon dito ang magmumula sa National Disaster Risk Reduction and Management Fund (NDRRMF), na pangunahing pinagkukunan ng pondo ng pamahalaan para sa disaster response, relief, rehabilitasyon, rekonstruksyon, at recovery efforts.

Kabilang din sa mga pondong maaaring gamitin para sa pagtugon sa kalamidad ang P32.307 bilyon sa ilalim ng Local Government Support Fund (LGSF)–Financial Assistance to Local Government Units, P15.897 bilyon mula sa Contingent Fund, at P8.163 bilyon mula sa Quick Response Fund ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan.

Ayon pa kay Gatchalian, mayroon ding P46.778 bilyon ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa ilalim ng programang Protective Services for Individuals and Families in Difficult Circumstances.

Mayroon namang P4.08 bilyon ang Department of Education (DepEd) para sa Disaster Preparedness and Response Program nito. Bukod pa rito, may nakalaang P67 bilyon ang ahensya ngayong taon para sa pagpapatayo ng mga silid-aralan, na maaaring makatulong sa pag-aayos ng malawakang pinsalang tinamo ng mga paaralan dahil sa lindol.

“Napakahirap ng sitwasyon ngayon ng ating mga eskwelahan dahil maraming school buildings ang naapektuhan ng lindol. Inaasahan nating magamit agad ang mga pondong ito para sa kapakanan ng ating mga estudyante sa Mindanao,” aniya.

Maaari ring gamitin para sa rehabilitasyon ng mga lugar na sinalanta ng lindol sa Mindanao ang P1.657 bilyon mula sa DSWD-OSEC, P230.515 milyon mula sa DA-OSEC, at P46.882 milyon mula sa DSWD-OSEC na nakalaan sa ilalim ng 2026 national budget. Ernie Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here