MANILA, Philippines — Nagbabala ang Bureau of Immigration sa mga dayuhan at publiko laban sa mga taong nagpapanggap na immigration officers at nagsasagawa ng iligal na inspeksyon at operasyon.
Naglabas ng babala si BI Commissioner Joel Anthony Viado matapos makatanggap ng mga ulat na may mga indibidwal na nagpapakilalang tauhan ng Bureau of Immigration at lumalapit sa mga dayuhan gamit ang mga pekeng dokumento para umano sa search, inspection, at immigration checks.
Binigyang-diin ni Viado na tanging mga awtorisadong tauhan ng BI na may hawak na valid mission order na pirmado ng commissioner ang maaaring magsagawa ng immigration enforcement operations.
“Foreign nationals and members of the public should exercise caution and verify the identity and authority of individuals claiming to be immigration officers. Legitimate immigration operations are conducted only by authorized BI personnel with properly issued mission orders signed by the commissioner,” pahayag ni Viado.
Aniya, ang mission order ay isang opisyal na dokumento at hindi maaaring gamitin para manakot, manggipit, o mangikil ng pera sa sinuman.
Sa ilalim ng umiiral na mga patakaran, tanging mga mission order na legal na naisyu ang nagbibigay kapangyarihan sa immigration agents na magsagawa ng pag-aresto at enforcement activities laban sa mga dayuhang lumalabag sa immigration laws.
Hinimok ni Viado ang publiko na agad makipag-ugnayan sa BI National Operations Center para sa beripikasyon kung makakaharap ng kahina-hinalang operasyon at iulat ang anumang kaso ng panloloko, pagpapanggap, pananakot, o pangingikil.
“We will not tolerate the misuse of the Bureau’s name and authority. Individuals found impersonating immigration officers or using fraudulent documents will face the full force of the law,” dagdag ni Viado. Dave Baluyot