MANILA — Itinalaga ng Philippine Ports Authority (PPA) ang Port of Malalag sa Davao del Sur bilang pansamantalang alternatibong daungan habang sumasailalim sa structural integrity assessment ang Port of General Santos matapos ang malakas na lindol sa Mindanao.
Ayon sa PPA, nasa 77 kilometro lamang ang layo ng Port of Malalag mula General Santos City at may kakayahang tumanggap ng bulk, break-bulk, containerized, at roll-on/roll-off (RoRo) cargoes.
Kasunod ng pagbisita nina Department of Transportation (DOTr) Acting Secretary Giovanni Lopez at PPA General Manager Jay Santiago sa mga pantalan sa Socsargen noong Hunyo 9, inatasan ang Port Management Offices (PMO) ng Socsargen at Davao na magtulungan upang matiyak ang tuloy-tuloy na paggalaw ng mga kargamento at pasahero sa kabila ng pansamantalang suspensyon ng operasyon sa Port of General Santos.
Naglabas din ang PPA ng direktiba sa lahat ng Port Management Offices na unahin ang pagproseso at pagbiyahe ng humanitarian cargoes para sa mga naapektuhan ng lindol. Kabilang dito ang pagkain, tubig, gamot, medical equipment, rescue gear, shelter materials, generator, fuel, at iba pang mahahalagang suplay.
Bibigyan din ng prayoridad sa berthing at vessel scheduling ang mga barkong may dalang relief goods.
Ayon sa PPA, layunin ng mga hakbang na mapanatili ang tuloy-tuloy na transportasyon at kalakalan sa rehiyon habang tinitiyak ang kaligtasan ng publiko sa pamamagitan ng masusing inspeksyon sa mga pasilidad ng Port of General Santos. Jocelyn Tabangcura-Domenden