MANILA, Philippines – Maaaring bawiin ng Department of Energy (DOE) ang Certificate of Endorsement ng mga power generation company na matagal nasa forced outage, ayon sa DOE.
Ayon kay DOE Undersecretary Mario Marasigan, maaaring imbestigahan ng Energy Regulatory Commission (ERC) kung may kapabayaan ang mga operator ng power plants.
“Dahil tayo po ay policy body, iyong pagbawi po noong ating tinatawag na Certificate of Endorsement… ito po ay puwedeng tugunan at imbestigahan din ng ating Energy Regulatory Commission,” ani Marasigan.
Dagdag niya, kung mapapatunayang may negligence o pagkukulang ang mga power firm, maaaring magpataw ng kaukulang parusa ang ERC.
Nauna rito, sinabi ni Energy Secretary Sharon Garin na tinitingnan na rin ng DOE ang posibleng sanctions sa mga plantang matagal nang offline at nakapag-aambag sa yellow at red alerts sa Visayas grid mula mid-May.
Noong June 10, isinailalim ang Visayas sa red alert mula 1 p.m. hanggang 7 p.m., at yellow alert mula 7 p.m. hanggang 9 p.m.
Ayon sa DOE, nakatakda ring magpatayo ng bagong power plants at battery energy storage systems na may kabuuang target na humigit-kumulang 200 megawatts na posibleng ma-deploy sa loob ng tatlong buwan.
Sa mas pangmatagalang plano, tinatayang 12,000 megawatts ng power projects ang naka-line up hanggang 2028, at 2,000 megawatts ang inaasahang papasok ngayong taon, kung saan 1,400 megawatts ay online na sa unang kalahati ng taon. RNT/MND