MANILA, Philippines – Hinimok ni Senador Francis Escudero ang pamahalaan na unahin ang paglikha ng non-tax revenue measures sa halip na magpatupad ng mga bagong buwis na ipapasa lamang sa publiko.
Ayon kay Escudero, maraming likas na yaman ang Pilipinas na maaaring gamitin upang makalikom ng karagdagang kita ng gobyerno at makatulong din sa pangmatagalang enerhiya at development goals ng bansa.
Iminungkahi niya ang pagbibigay ng kontrata para sa exploration at sharing agreements sa mga coal reserves ng bansa bilang mas praktikal na paraan ng pagtaas ng kita.
“In lieu of new taxes, the government should maximize the resources it already owns,” ani Escudero.
Dagdag pa niya, dapat maging huling opsyon lamang ang pagtaas ng buwis at mas pagtuunan ng pansin ang mas epektibong koleksyon ng kita at paggamit ng kasalukuyang non-tax revenues.
Samantala, inanunsyo ng Department of Energy (DOE) ang planong pagbubukas ng bidding para sa mga coal site sa ikatlong quarter ng taon, kabilang ang mga lugar sa Cagayan, Isabela, at ilang bahagi ng South Cotabato at Sarangani.
Ayon kay Escudero, kung maayos at transparent ang bidding, maaaring makalikom ang gobyerno ng malaking kita mula sa mga coal operations, kabilang ang posibleng ₱1 trilyong upfront payment at ₱70–₱100 bilyon taunang non-tax revenue.
Giit niya, mas makabubuting i-maximize ng gobyerno ang sariling yaman nito kaysa magpataw ng panibagong pasanin sa mamamayan. RNT/MND