Home METRO Scholarship, inialok ng Ateneo de Davao sa 6 kapatid ni Baterbonia

Scholarship, inialok ng Ateneo de Davao sa 6 kapatid ni Baterbonia

4
0

DAVAO, Philippines – Nag-alok ang Ateneo de Davao University ng buong scholarship sa anim na kapatid ni Rene Clert “Bobet” Baterbonia, isa sa dalawang estudyanteng namatay kamakailan na nagbunsod sa mga Heswita na amining mas marami pa sana ang kanilang nagawa sa pagtugon sa trahedya.

Sa isang pahayag sa social media, inanunsiyo ito  Fr. Karel S. San Juan, S.J., Pangulo ng Unibersidad  ang pagkakaloob ng scholarship matapos ang banal na misa na inialay para kay Baterbonia noong Hunyo 13.

Saklaw ng scholarship ang pag-aaral ng kanyang mga kapatid mula sa basic education hanggang kolehiyo, ayon sa unibersidad.

“Matapos ang Banal na Misa bilang paggunita kay Rene Clert ‘Bobet’ N. Baterbonia, inanunsyo ni University President Fr. Karel S. San Juan, SJ na magbibigay ang Ateneo de Davao University ng buong scholarship—mula Basic Education hanggang College—sa lahat ng kapatid ni Bobet,” ayon sa pahayag.

Sinabi rin ng unibersidad na layunin ng tulong na ito na makatulong sa pagtupad sa isa sa mga pangarap ni Baterbonia para sa kanyang pamilya.

“Ito ay isang maliit ngunit taos-pusong paraan ng unibersidad upang makatulong sa pagtupad ng isa sa mga pangarap ni Bobet—ang magkaroon ng mas magandang kinabukasan ang kanyang anim na kapatid,” dagdag pa nito.

Ang anunsyo ay ginawa isang araw matapos sabihin ni Jesuit Provincial Fr. Xavier Olin na kinikilala ng kongregasyon na “mas marami pa sana ang maaaring nagawa” sa paraan ng pagharap at pakikipag-ugnayan tungkol sa pagkamatay nina Baterbonia at Divine Adili.

Sa kanyang pahayag noong Hunyo 12, sinabi ni Olin na pinakikinggan ng mga Heswita ang dalamhati at galit na ipinahayag ng mga miyembro ng komunidad ng Ateneo at kinikilala nila ang mga pagkukulang sa naging pagtugon sa insidente. Jocelyn Tabangcura-Domenden 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here