MANILA, Philippines – Arestado ang isang lalaki na napag-alaman wanted din pala sa pagnanakaw sa Bulacan makaraang pasukin at pagnakawan ang isang electronic service center sa Valenzuela City, Linggo ng tanghali.
Sa ulat ng tanggapan ni Northern Police District (NPD) Acting Director P/BGen. Benliner Capili, ang suspek na si alyas “Rolly”, 31, at residente ng Brgy., Malinta, ay nahaharap sa kasong paglabag Article 293 (Robbery with Force Upon Things) of the Revised Penal Code at R.A. 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act).
Base sa imbestigasyon, nagpapatrolya ang mga tauhan ni Valenzuela Police Chief P/Col. Joseph Talento sa Brgy., Malanday nang mapansin nila ang suspek na lumabas sa nasabing establishmento na may bitbit na cellphone, tablet, at camera bag bago mag-alas-12 ng tanghali.
Nang lapitan nila para sa beripikasyon, naglabas ang suspek ng baril kaya bahagyang napaatras ang mga pulis sa pag-aakalang tunay na baril ang dalang toy gun na dahilan uoang makatakbo palayo ang kawatan patungong Gaanan Street na naging dahilan upang magkaroon ng hot pursuit operation.
Mahigit isang oras ding tinugis ng mga pulis ang kawatan bago tuluyang masukol nang tumalon sa mula bubong ng isang lumang warehouse na naging dahilan upang magkaroon ito ng mga pinsala sa iba’t-ibang bahagi ng katawan at narekober sa kanya ang ninakaw nitong items at isang replica revolver.
Matapos nito, isinugod si alyas Rolly sa pagamutan para magamot habang sa isinagawang ocular inspection ng pulisya, nagawang mapasok ng suspek ang naturang establishmento sa pamamagitan ng pagsira ng padlock sa entrance nito.
Nang suriin ang kanyang record, nadiskubre na may standing bench warrant of arrest ang suspek na inisyu ng Regional Trial Court Branch 12, Malolos City, Bulacan para sa kasong Robbery na may inirekomendang piyansa na P100,000. (Merly Duero)