MANILA, Philippines – Nangangamba si Senate President Alan Peter Cayetano na mabali ang mga patakaran o rules sa nalalapit na impeachment trial ni Bise Presidente Sara Duterte kasunod ng paiba-ibang voting standards ng bloke ni Senator Sherwin Gatchalian.
Inihayag ito ni Cayetano kamakailan kasunod ng pagkumpirma ni Gatchalian sa isang Facebook post na 16 na boto ang kailangan para ma-convict si Bise Presidente Sara Duterte.
Paliwanag ni Gatchalian, two-thirds “of all the Members of the Senate” ang kailangan para ma-convict si Duterte alinsunod sa Konstitusyon. Katumbas aniya nito ay 16 na boto dahil “fixed” na 24 ang miyembro ng Senado.
Pero taliwas ito sa paliwanag ng Gatchalian bloc patungkol sa 12 boto na naghalal umano sa kanya bilang Senate President Pro Tempore.
Sa ilalim kasi ng Rule II ng Senate Rules ay majority vote “of all its members” ang kailangan. Kung kakalkulahin base sa fixed na komposisyon ng Senado gaya na rin ng binanggit ni Gatchalian, katumbas ng majority vote ay 13, at hindi 12.
“Instinct ko sana purihin si Senator Win Gatchalian n’ung sinabi niyang 16 talaga y’ung kailangan para ma-convict ang impeachable officer,” sabi ni Cayetano sa isang livestream.
“Sinabi din nila [dati] paulit-ulit na kung wala kayong 13, hindi n’yo pwedeng palitan y’ung officers – the head of OSAA, the Senate Secretary, Senate President Pro Tempore, and the Senate President,” dagdag niya. “Pero gumawa sila ng formula na pwede na ang 12.”
Giit tuloy ng Senate President, mahirap nang magtiwala na paninindigan ng Gatchalian bloc ang impeachment rules kung ganitong paiba-iba ito ng standards.
“Are we going to really have an impartial trial, or aayusin at luto na? Are we going to tell [people] the truth na dapat 16 to convict, or babawasan ba ng anim na senador para maging 12 na lang?” tanong niya.
Diin ni Cayetano, karapatan ng taumbayan na magkaroon ng impeachment trial na tunay na patas at tapat sa Konstitusyon at Senate Rules, hindi binabago ang rules para makamit ang gustong resulta.
“We’re fighting for truth — na lumabas ang buong katotohanan, maging sa impeachment ‘yan, Blue Ribbon Committee, sa leadership sa Senado,” aniya.
“We’re fighting na maging independent ang Senado at hindi utus-utusan lang ng Malacañang. We’re fighting na mawala ang corruption at poverty sa ating bansa,” dagdag niya. Ernie Reyes