MANILA, Philippines – Kinumpirma ng Philippine Coast Guard (PCG) na walang naitalang oil spill matapos sumadsad ang Motor Yacht Siren 2 sa loob ng Tubbataha Reefs Natural Park sa Palawan.
Ayon kay PCG spokesperson Commodore Noemie Cayabyab, nakasadsad pa rin ang yate sa bahura ngunit wala pang nakikitang pagtagas ng langis.
“Nakasadsad pa rin po itong yate, nakapatong po ito sa may bahura. Although ngayon po ay ongoing naman po ang ating monitoring, wala po tayong nakikita na anumang oil sheen or oil spill at kahapon po ay naglatag na rin po tayo ng oil spill boom para maprotektahan din po itong area na ito.”
“But as we speak, wala po tayong nakikita na anumang panganib dahil wala pa tayong nakita na mga tagas po ng langis na nanggagaling po sa yate,” dagdag niya.
Ligtas naman ang lahat ng 28 sakay ng yate, kabilang ang 14 na dayuhang diver at 14 na Pilipinong crew members.
“Pagdating naman po sa mga pasahero, kagabi dumating na rin po ito sa may Puerto Princesa City at na-turnover na po natin ito sa agent po ng yate at nabigyan na rin po sila ng accommodation sa may area po,” ani Cayabyab.
Umalis ang yate sa Puerto Princesa City noong Hunyo 10 patungong Tubbataha Reef Marine Park. Nakatanggap ang PCG ng ulat tungkol sa insidente bandang alas-5 ng umaga noong Hunyo 14.
Ayon sa Coast Guard, sumadsad ang yate matapos tamaan ng biglaang malakas na bugso ng hangin habang nakadaong ito sa isang anchored buoy, humigit-kumulang 7.2 nautical miles hilagang-silangan ng Tubbataha Reef.
Patuloy ang pagmamanman ng mga awtoridad upang matiyak na mananatiling ligtas ang lugar at walang magiging epekto sa kalikasan. RNT/MND