BRAZIL – Nasawi ang isang 21-anyos na babae sa Brazil matapos ihagis mula sa isang tulay para sa rope jump nang hindi naikabit sa kanya ang kinakailangang safety cord, ayon sa pulisya.
Sa video ng insidente na nag-viral online, makikitang binuhat ng dalawang lalaki ang biktima at inihagis mula sa Skeleton Bridge sa São Paulo state. Bago siya bumagsak, narinig ang mga nanonood na sumisigaw ng, “Guys, the cord!” matapos mapansing wala siyang nakakabit na safety mechanism.
“The safety equipment was not properly secured at the time of the jump. The victim did not survive the fall,” ayon sa pahayag ng pulisya sa Agence France-Presse (AFP).
Tatlong lalaki ang inaresto dahil sa kasong “homicide with dolus eventualis,” na nangangahulugang alam nila ang peligro ng kanilang gagawin ngunit itinuloy pa rin nila.
“Investigations are ongoing to determine the circumstances and establish liability,” ayon sa pulisya.
Kinilala ng lokal na media ang biktima bilang si Maria Eduarda Rodrigues de Freitas. Ayon sa ulat, bumagsak siya mula sa tinatayang 40 metro at nasawi dahil sa matinding pinsalang natamo.
Ilang sandali bago ang aksidente, nagbahagi pa si de Freitas ng larawan ng lugar sa Instagram na may caption na: “Who was the crazy person who let me come jump off a bridge???”
Ang rope jumping ay isang extreme sport na gumagamit ng hindi gaanong elastic na lubid kumpara sa bungee jumping, kaya’t ang kalahok ay hindi tumatalbog kundi nakabitin sa dulo ng pagtalon.
Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang pananagutan sa insidente. RNT