Home NATIONWIDE Boypren hinatulang guilty matapos mapatay ng pit bull ang buntis na nobya

Boypren hinatulang guilty matapos mapatay ng pit bull ang buntis na nobya

1
0

FRANCE – Hinatulan ng korte sa Soissons, France ang isang lalaki matapos mapatunayang may pananagutan sa pagkamatay ng kanyang buntis na nobya na inatake at napatay ng pit bull na ilegal niyang inangkat at sinanay na mangagat.

Pinatawan si Christophe Ellul, 51, ng apat na taong suspendidong sentensiya dahil sa involuntary manslaughter. Inatasan din ng korte na ipapatay ang aso.

Natagpuan ni Ellul noong Nobyembre 2019 ang kanyang nobyang si Elisa Pilarski, 29-anyos at anim na buwang buntis, na patay sa isang kagubatan malapit sa Soissons. Ayon sa imbestigasyon, may mahigit 50 kagat ang katawan ng biktima.

Bago ang insidente, inilalakad ni Pilarski ang kanilang dalawang taong gulang na American pit bull terrier na si Curtis nang tawagan niya si Ellul at sabihing nakagat siya at hindi na niya makontrol ang aso.

Matagal na iginiit ni Ellul na hindi agresibo ang kanyang aso at sinisi pa niya ang mga asong ginagamit sa pangangaso ng usa sa lugar. Gayunman, lumabas sa DNA tests na si Curtis ang responsable sa pag-atake.

Sinuri rin ng mga awtoridad ang 62 hunting hounds at lima pang aso ng magkasintahan upang matiyak na wala silang kinalaman sa insidente.

Ipinagbabawal sa France ang pag-aangkat ng pit bulls dahil kabilang ito sa mga itinuturing na mapanganib na lahi ng aso.

Si Curtis, na walong taong gulang na ngayon, ay mahigit anim na taon nang nakakulong sa isang kennel mula nang mangyari ang insidente.

Samantala, nananawagan ang ilang animal rights advocates na huwag ipapatay ang aso. Mahigit 80,000 katao na ang lumagda sa isang petisyon na humihiling na ilipat na lamang ito sa isang animal shelter. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here